HINDI man lang kumurap si Celeste. Sa kabila ng nakakikilabot na ngiti ni Carlo sa ilalim ng ilaw ng mga tactical flashlights, nanatiling kalmado ang paghinga ng dalaga. Walang bakas ng pag-aalinlangan sa kanyang mukha. Walang panginginig sa daliring nakapatong sa gatilyo. Dahan-dahan, ibinaba ni Celeste ang bunganga ng baril ng ilang pulgada, mula sa gitna ng dibdib ni Carlo, pababa diretso sa kanang tuhod nito.
Bang! Isang matinis ngunit pigil na tunog mula sa suppressor ang bumasag sa nakabibinging katahimikan ng bodega.
Sa isang iglap, naglaho ang nakakainsultong ngiti sa mukha ni Carlo. Napalitan ito nang malakas na singhap ng matinding pagkagulat at sakit habang bumigay ang kanyang kanang binti. Bumagsak si Carlo nang malakas sa bakal na sahig, napahawak sa kanyang tuhod habang mabilis na kumakalat ang dugo sa sahig.
Sa ibaba, bago pa man makabunot ng armas ang dalawang bantay ni Carlo, sabay-sabay nang kumilos ang mga operatiba ni Celeste. Dalawang sunod na putok sa sementong paanan ng mga bantay ang nagpatigil sa kanila, at sa loob lang ng ilang segundo, dinisarmahan at nakadapa na sila sa sahig nang nakaposas ang mga kamay.
“Warehouse floor clear!” ulat ng lead operative sa radyo.
Nang makalapit sila Celeste at Diana, nakaluhod si Carlo sa sarili nitong dugo, humihingal at pinagpapawisan nang malamig habang nakatingala kay Celeste nang may halong poot at hindi makapaniwalang tingin. Huminto si Celeste ilang hakbang mula sa kanya, nakatutok pa rin ang baril sa ulo.
“Tama ka, Carlo,” malamig at halos pabulong na sabi ni Celeste. “Hindi ako mamamatay-tao.”
Napakagat-labi si Carlo habang pinipigilan ang pagdaing.
“Masyadong madali ang kamatayan para sa ‘yo,” sabi ni Celeste, walang bahid ng awa sa boses. “Masyadong magaan. Gusto kong gising ka sa bawat segundo ng mangyayari sa ‘yo mula ngayon.”
(Itutuloy)