EDITORYAL — Dungis sa PNP

NOONG Lunes, naghain ng reklamo sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang whistle blower na si Julie Patidongan alyas Totoy, laban sa 12 pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng 34 na sabungeros. Kabilang sa mga pinangalanan ni Patidongan ang retirado at dating National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Major General Jonnel Estomo. Ayon kay Patidongan, si Estomo ang nag-suggest sa negosyanteng si Atong Ang para patayin siya. Kasama ni Patidongan sa paghahain ng reklamo sa NAPOLCOM ang mga naulilang pamilya ng missing sabungeros.
Nang lumantad si Patidongan dalawang linggo na ang nakararaan, sinabi niyang 30 pulis ang sangkot sa pagkawala ng mga sabungeros noong 2020 hanggang 2022. Kasunod niyon pinangalanan niya si Ang na nasa likod ng pagkawala ng mga sabungeros. Si Patidongan ay dating tauhan ni Ang sa farm nito. Isinangkot din niya ang aktres na si Gretchen Barretto. Itinanggi nina Ang at Gretchen ang akusasyon.
Kasunod na binulgar ni Patidongan ay ang lugar na pinagtapunan ng mga bangkay ng sabungeros. Itinuro ni Patidongan ang Taal Lake. Dito raw itinatapon ang mga bangkay ng sabungeros. Inilalagay daw sa sako ang mga bangkay at nilalagyan ng pabigat na buhangin at bato para hindi lumutang. Sinabi ni Patidongan na ang mga sabungeros na pinatay ang “nangtitiyope” raw ng mga panabong na manok.
Nakagigimbal ang rebelasyon ni Patidongan na maraming aktibo at retiradong pulis ang sangkot sa pagpatay sa mga sabungeros. Mga pulis ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen at sumasahod nang malaki para isagawa ito. Ayon kay Patidongan, milyong piso ang tinatanggap ng mga pulis.
Panibago at matinding dungis sa PNP ang kaso ng mga pinatay na sabungeros. Hindi ito karaniwang kaso sapagkat marami ang pinatay. Ang mabilis na pagkilos ni PNP chief General Nicolas Torre III ay lubhang kailangan sapagkat maraming pulis at may dating heneral pa ang itinuturong nasa likod ng krimen. Maibabangon ang puri ng PNP kung maparurusahan ang mga sangkot.
- Latest




















