Pagbabalik tanaw sa sakripisyo ni Hesus
BUWIS buhay na sakripisyo ang inihandog sa sanlibutan ng ating Manunubos na si Hesus. Binabakas natin ang pinagmulan ng Kristiyanismo taun-taon pero sinasalungat naman natin ito sa araw-araw. Sobra pa sa ginawa ni Hudas!
Ang sigwada ng pulitika sa ating bansa ay nagpapaalala rin ng naganap na pagpili ng mga mamamayan ng Jerusalem kung sino kina Hesus at Barabas ang palalayain. At noon naganap ang unang madugong eleksiyon!
Isinasalarawan ng mga nagdaan ang pagiging marupok na pagpili ng isang tao dahil sa impluwensiya nang maraming nakapaligid at nakabibinging sigaw ng kawalan ng konsensiya. Tinraydor ng karamihan sa atin ang katotohanan kapalit ng kapirasong biyaya.
Nagpagaling ng mga maysakit at nagpakain ng libong mananampalataya si Hesus sa gitna ng mga himala pero sandali lamang at nakalimutan na nila ito. Malamang na marami rin sa kanila ang sumigaw na “Ipako sa krus!” Wangis sa kongresista at senador rin natin di ba?
Ganyan naman talaga ang inuugali ng mga pulitiko sa ating bansa. Nagkukumahog madikit sa kung sinong nakaupong presidente at iiwanan na parang basahan kapag wala nang mapapakinabangan. Ang dami nila ‘di ba Flash Gordon?
Kahit sa 12 apostoles ay may nagsalawahan din sa kanilang maestro at tagapagligtas matapos na ipako ito at mamatay sa krus, kaya sila nangagtago dahil sa takot na kondenahin sila ng mamamayan. Ang mga pulitiko sa Pilipinas ay lantaran naman kung hudasin ang pinagsipsipan nila ng dating lakas.
Nasusulat na dahil sa 30 pirasong pilak ay inginuso ni Hudas ang kanyang maestro, samantalang dito sa ating bansa ay pangkaraniwan na raw ‘yan sa loob ng Kongreso at Senado. Tatlumpung milyong piso nga lamang sigurong “pork barrels”ang pinakamababa., ‘yan eh kung hindi ka kaalyado. He-he!
Ang paglilitis ng Interanational Criminal Court (ICC) kay dating President Digong Duterte ay kakaiba sa kalagayan ni Hesus. Ililigtas daw tayo ni Digong sa kuko ng mga drug addict/pushers kaya “natokhang” ang mga ito. Samantalang tayo ay inililigtas ni Hesus sa kuko ng mga suwail sa Diyos!
- Latest