100 husky, nakatakas sa isang mall sa China!

NAPUNO ng mga nagtatakbuhang aso ang isang mall sa Shenzhen, China matapos makatakas ang 100 husky mula sa isang pet café na tenant ng mall.

Nag-viral sa mga Chinese social media website ang mga video na kuha ng mga mall goers kung saan nagtatakbuhan sa iba’t ibang bahagi ng mall ang mga nakatakas na husky. Ayon sa report, naiwanang bukas ng isa sa mga staff ng “Haha Husky Cute Pets” café ang gate kung saan nakakulong ang mga aso.

Ang Haha Husky Cute Pets ay isang pet café kung saan maa­aring makipaglaro ang isang customer sa mga husky. Inabot ng isang oras bago maibalik sa cafe ang 100 aso. Wala namang naperwisyo o nasaktan na mga mall­goers ngunit may ilan sa mga ito ay inagawan ng pagkain ng mga husky.

Ayon sa pahayagang South China Morning Post, nauuso sa China ngayon ang mga pet café. Noong 2020, mahigit 3,600 pet café ang nagbukas sa Shanghai. Bukod sa mga husky, may mga pet café na may ibang uri ng hayop tulad pusa, biik, capybara, atbp.

Ang konsepto ng pet café ay nagsimula sa Japan. Itinayo ang mga ganitong klaseng café para sa mga taong gustong mag-pet, makipaglaro at maglibang kasama ang isang hayop pero hindi maaaring magkaroon ng sariling alaga dahil ipinagbabawal ito sa kanyang inuupahan na apartment.

Matapos ang insidente, naglabas ng statement ang Haha Husky Cute Pets sa kanilang Weibo account kung saan humihingi sila ng paumanhin sa mga mall goers na naabala ng kanilang kapabayaan.

 

Show comments