Seryoso ba o biro lang?
PANGUNAHIN pa ring problema ng Pilipinas ang kahirapan. Noong 1967, nang itinatag ng Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Singapore, at Thailand ang Association of Southeast Asian Nations(ASEAN), ang Pilipinas ang pinakamayaman. Pangalawa na tayo noon sa Japan sa punto ng kaunlaran. Pero ngayon, tayo ang nangungulelat at pinakamahirap.
Sa pinakahuling survey ng SWS, 14 milyong Pilipino ang naniniwalang sila’y mahirap, sapagkat hindi natutugunan ang pangangailangan sa sapat na pagkain, disenteng tahanan, maayos na pananamit, mabuting kalusugan, at kalidad na edukasyon. Kabilang sa mga itinuturong dahilan ng kahirapan ay ang malawakang katiwalian, kawalan ng trabaho at oportunidad, at mahinang pambansang estratehiya sa paglaban sa kahirapan.
Napakaseryoso ng problemang ito na nangangailangan ng seryosong solusyon. Ang malaking tanong, seryoso ba si Presidente BBM sa paglaban sa kahirapan? Noon ay isa ako sa maraming naniniwala na siya’y seryoso. Pero ang paniniwala kong ito’y napalitan ng pagdududa dahil sa pagtatalaga niya kay Larry Gadon bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation. Si BBM ay hihingi ng payo kay Gadon kung paano tutuldukan ang malalang kahirapan dito sa Pilipinas.
Kuwalipikado ba si Gadon sa trabahong ito? Siya ba’y makamahirap at may malawak na kaalaman at karanasan sa isyu ng kahirapan? Siya ba’y marangal, mahinahon at mahusay makitungo sa kapwa? Walang malinaw na ebidensya para sagutin ng “oo” ang mga tanong na ito. Kung ang kahirapan ay masosolusyunan sa pamamagitan ng pagmumura at pagiging arogante, mukhang si Gadon ang perpektong tao para rito. Matatandaan na si Gadon ay inalisan ng Korte Suprema ng lisensya sa pagkaabogado dahil sa kanyang pagmumura, pagmamaliit at pambabastos sa isang mamamahayag.
Upang maging epektibo sa kanyang tungkulin, ang isang public servant ay hindi lamang kailangang maging matalino, kundi kailangang magkaroon ng magandang reputasyon at mabuting karakter. Dapat ay klaro na siya’y karapat-dapat sa kanyang tungkulin. May mga political analysts ang nagsasabi na si Gadon ay isang malaking kahihiyan ng gabinete ni BBM at ng gobyerno sa kabuuan.
Ito ang isa sa kahinaan ng nakagisnan nating sistema ng pamamahala. Ang mga career employees ay talagang sinasalang mabuti—kailangang nagtapos ng kolehiyo, may civil service eligibility, may mabuting karakter na pinatutunayan ng mga character references, at pumasa sa pagsusulit ng ahensiyang nais paglingkuran. Pero walang ganitong pagsala sa mga political appointees na katulad ni Gadon. Ang pangunahing konsiderasyon sa political appointees ay ang katapatan sa nagtatalaga.
Isang taon na sa panunungkulan si BBM. Mayroon pa siyang limang taon. Marami na siyang naitalaga at marami pang itatalaga. Dalangin ko na nawa’y maging seryoso siya sa pagtatalaga ng mga opisyales sa gobyerno na susuwelduhan ng buwis ng mga mamamayan. Nawa’y gumawa siya ng radikal na pagbabago sa pamamahala. Huwag na niyang gawing pangunahin sa kanyang pagpili ang katapatan sa kanya, kundi ang katapatan sa Republika, ang katapatan sa katotohanan, katwiran, at katarungan. Ang maging pangunahin nawa niyang batayan ay hindi ang pagiging maka-Marcos, kundi ang pagiging maka-Diyos, makatao, makabayan, at makakalikasan.
Kapag nagawa ni BBM ang ganitong radikal na pagbabago sa pamamahala, makakaasa tayo ng ibang resulta. Sabi nga ni Albert Einstein, “Isang malaking kabaliwan ang umasa ng ibang resulta kung dati pa ring pamamaraan ang ginagawa.”
- Latest


















