Karumal-dumal na krimen dumarami na naman!

Baka lang hindi napapansin ha, mistulang magkakasunod na naman ang nagaganap na mga karumal-dumal na krimen sa iba’t ibang panig ng bansa.

At eto pa, karamihan sa mga nagiging biktima eh mga paslit at mga menor de edad.

Hindi lang yan, ang mga krimeng ito ay nagkokonek sa sinasabing paglaganap muli ng ilegal na droga.

Kasi nga hindi magagawa ng taong nasa tamang katinuan ang ilan sa mga krimeng ito, kundi maaaring nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot.

Matitindi, nandyan ang 4-anyos na sinasabing pinatay ng tiyo saka itinago sa washing machine, batang pinabili lang ng kung ano sa tindahan dinukot, hinalay at pinatay.

Isang 14-anyos na dalagita ang ni-rape ng tatlong umano’y adik na bagets.

Sinong matino naman ang gagawa ng ganyang krimen na matapos halayin, winakwak pa ang dibdib at tiyan kung saan halos lumabas ang mga laman-loob ng biktima. Hiniwa-hiwa ang bahagi ng hita saka itinapon sa kabundukan.

Matindi pa dyan, kinunan pa ng video ng mga salarin habang isinasagawa ang krimen.

O talagang may topak ang mga ito, dalawa na ang nahuli sa tatlong suspect na nasamsaman ng shabu.

Baka kasi nakatuon na lang ang pansin sa mga pag-iimbestiga sa mga pulis na dawit sa droga kaya hindi nabibigyang-pansin ang drug war.

Sa ganitong punto, tuwang-tuwa ang mga  sindikato sa ilegal na droga. Nakakapuslit ng kanilang operasyon, naipakakalat hanggang sa mababang lebel ang illegal drugs.

Baka may ilan naman sa mga law enforcement ang naglay-low sa operasyon dahil marahil takot na mapagbuntunan ng imbestigasyon.

Marapat lang na hindi matigil ang laban sa ilegal na droga, lalu na ngayon at talagang nagtatangka ang mga grupong sangkot dito sa pagpapasok nito sa bansa sa anumang mga paraan.

Mahigpit na tututukan nang pati ang mga krimen ay mabawasan.

Show comments