EDITORYAL – Buwagin ang POGOs

PATULOY ang panawagan nang maraming sector na suspendihin na ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa. Maski ang mga senador, malakas ang panawagan na buwagin na ito. Ayon sa mga senador, wala namang naitutulong at sa halip perwisyo pa dahil sa pagdami ng krimen na iniuugnay dito.

Hanggang ngayon, sangkot ang POGOs sa pagdami ng kidnapping at mga pagpatay mula nang mag-operate sa bansa noong 2017. Patuloy ang mga kidnapping sa mga Chinese at saka ipatutubos ng ransom. Mga kapwa Chinese din ang suspect. Kapag hindi natubos, papatayin ang biktima. Mayroong binubugbog hanggang mamatay at saka itatapon sa liblib na lugar.

Ngayon ay bagong modus naman ang ginagawa at sangkot ang POGOs. Sabi ni Sen. Risa Hontiveros na nagsasagawa ng imbestigayon, ginagamit na legal cover ang POGO para sa cryptocurrency scam at human trafficking operation sa Sun Valley Hub Corporation sa Clark, Pampanga. Ayon kay Hontiveros, ang scam ay inooperate ng Colorful and Leaf Group, sublessee ng GCC Technologies, Inc., isang kompanya ng POGO. Ayon kay Hontiveros, kinumpirma ng Inter-Agency Council Against Trafficking sa pagdinig ng Senate Committee on Women nitong Martes na ginagamit ang mga POGO para manlinlang ng mga tao.

Noong Mayo 4, sinalakay ng mga awtoridad ang Sun Valley Hub at nadakip ang 12 katao na namamahala sa operasyon. Karamihan sa mga biktima ng human trafficking ay mga dayuhan mula sa Indonesia, Vietnam, China, Myanmar, at Thailand. Mahigit 1,000 biktima ng human trafficking ang inaayos na ang papeles para makauwi sa kani-kanilang mga bansa.

Habang parami nang parami ang mga krimen na idinudulot ng POGOs, wala namang pagkilos ang pamahalaan para itigil na ang operasyon nito. Tahimik ang PAGCOR sa isyu.

Hindi nagdudulot sa pagganda ng ekonomiya ng bansa ang POGOs sapagkat marami sa mga ito ang hindi nagbabayad ng buwis. Sa mga bansa sa Asya, tanging ang Pilipinas ang may POGO. Isinuka na ito sa Malaysia at Singapore. Maski sa China ay wala rin nito sapagkat bawal doon ang sugal.

Noong Enero, sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na naghahanap pa raw siya nang magandang dahilan para ipatigil ang POGOs sa bansa. Ang mga nangyayaring krimen daw ay kagagawan lamang ng mga illegal POGOs. Ang mga illegal daw ang nagpapasama.

Kailangan pa bang maghanap nang magandang dahilan? Nakikita na ang mga dahilan para hindi na palawigin ang POGOs. Pagpasyahan na ang pagpapatigil sa mga ito bago pa lubusang lumala ang krimen sa bansa.

Show comments