^

Punto Mo

Maraming robot sa gobyerno

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY bumibigat na kakumpetensya sa trabaho ang tao, ang tinatawag na Artificial Intelligence (AI) na katulad ng robot na kontrolado ng computer. Ginagaya ng AI ang proseso ng pag-iisip ng tao. Sa mobile phone mo o laptop ay may AI na katulad ng google assistant na kahit ano ang itanong mo ay siguradong may sagot. 

Ayon sa mga pag-aaral, daig ng AI ang tao sa bilis ng pag-iisip at pag-aanalisa ng mga data. Halimbawa: ang isang mabigat na mathematical problem ay kayang solusyunan ng tao sa loob ng limang minuto, ngunit ang sampung problemang tulad nito ay kayang solusyunan ng AI sa loob lamang ng isang minuto.

Kaya naman, maraming trabaho na dating ginagawa ng tao ay AI na ang gumagawa ngayon. Ayon sa International Labor Association, noong nakaraang taon, umaabot sa 207 milyon sa buong mundo ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemic at sa patuloy na pagsulong ng AI sa pamamagitan ng mga robot.

Darating ang panahon na ang magbabantay sa mga banko ay hindi na tao, kundi robot. O ang gagawa ng mga delikadong trabaho sa mga pabrika ay hindi na tao, kundi robot. Kainaman, ang mga robot ay hindi nasusuhulan o natatakot. Hindi nangangailangan ng day-off, at siguradong hindi magtatayo ng unyon.

Tao rin ang lumikha ng AI, ngunit ang lumikha sa tao ay ang Diyos. Ang pinakumplikadong computer ay hindi ang pinakamodernong AI, kundi ang utak ng tao. Totoong ang computer ay mas mabilis mag-analisa ng mga sangkatutak na data kaysa sa tao, ngunit may nagagawa ang utak ng tao na hindi kayang gawin ng pinakamoderno mang computer. Ang utak ng tao’y nag-iisip, nagdedesisyon, nangangarap para sa kinabukasan, at higit sa lahat, marunong magmahal.

Nang likhain ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang wangis, isinalin Niya sa tao ang pinakadakila Niyang kalikasan—ang kakayahang magmahal. Walang AI o robot na kontrolado ng computer ang may kakayahang magmahal. Maaaring matalino sila, ngunit lahat sila’y walang damdamin, walang pagmamalasakit. Gagawin lang ng AI ang trabahong ipinograma para sa kanya, ngunit hindi siya gagawa ng anumang lampas dito.

Kailanman, hindi maaaring maging tao ang robot. Ngunit nakakalungkot, maraming tao ang nagiging robot—walang malasakit, walang damdamin, at walang pakialam sa kapwa. Hindi gagawa ng lampas sa kanyang pananagutan o sa oras ng kanyang trabaho para lang makatulong sa nangangailangan.

Sa totoo lang, ito ang malaking problema natin ngayon, lalo na sa gobyerno. Maraming matataas na opisyales sa gobyerno ay parang robot, matatalino nga, ngunit nawawala ang pinakamahalagang katangian ng pagiging tao—ang kakayahang magmahal, ang kakayahang magsakripisyo para sa kapakanan ng iba. Kung mangingibabaw lang ang pagmamahal, hindi natin magiging kultura ang katiwalian, hindi magiging normal ang pang-aabuso sa kapangyarihan, hindi kikiling ang hustisya sa mayayaman at nasa poder. Sabi sa 1 Corinto 13:7, “Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat, nagtitiwala sa lahat, may pag-asa sa lahat, at may tiyaga sa lahat.”

Ang kailangan natin sa gobyerno, negosyo, at simbahan ay hindi Artificial Intelligence, kundi Genuine Intelligence—mga taong may dalisay na katalinuhan, sapagkat nasasangkapan ng pag-ibig na ayon sa Bibliya ay pinakamataas at pinakadakilang katangian.  

vuukle comment

ARTIFICIAL INTELLIGENCE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with