EDITORYAL - Dapat lagyan ng ngipin ang Anti-Agri Smuggling Act

HANGGANG ngayon, wala pang napaparusahang agriculture smugglers sa kabila na mayroong batas ukol dito. Nagpapakita lamang ito na walang ngipin ang Republic Act 10845 (Anti-Agri Smuggling Act) o kung may ngipin man, pulpol ito kaya hindi maikagat.

Maski si Sen. Cynthia Villar ay nagtataka sapagkat wala ni isa mang agri smugglers ang naitatapon sa kulungan. Ayon kay Villar, chairman ng Senate agriculture committee, mula raw nang pamunuan niya ang komite noong 2013, wala ni isa mang smugglers na naibilanggo. Sa kabila aniya na malawakan na ang smuggling ng agricultural products, walang smugglers na nailagay sa likod ng rehas. Kaya ang suhestiyon niya, palakasin ang Anti-Agri Smuggling Act. Dagdagan daw ang multa ng mga mapapatunayang nag-iismagel ng agri products. Kung hindi raw ganito ang gagawin, magpapatuloy ang smuggling ng mga produktong agrikultura.

Ipinasa ang Anti-Agricultural Smuggling Act noong 2016. Nakasaad sa batas na ang malawakang pag-iismagel ng agricultural products ay pananabotahe sa ekonomiya ng bansa at may katumbas na mabigat na kaparusahan at multa sa mga gagawa nito.

Subalit anim na taon na ang nakalilipas mula nang akdain ang batas, walang naparusahan. Naging talamak ang agri smuggling at lahat ng produktong agrikultura ay naipasok sa bansa. Bumaha ang ismagel na bigas, asukal, sibuyas, carrots at bawang. Sobra-sobra na ang pananabotahe sa ekonomiya ng bansa pero wala pang pinananagot. Umaaray ang mga lokal na magsasaka ng gulay dahil sa patuloy na pagdagsa ng agri products. Mamamatay sila sa gutom dahil dito.

Ayon sa report ng grupong Sinag, 20 katao ang smugglers ng sibuyas sa kasalukuyan. Umaabot umano sa P30 milyon ang halaga nang ipinupuslit na sibuyas. Sabi naman ng BoC, mayroon daw 30 smugglers ng gulay at nakatakda na raw nilang kasuhan ang mga ito.

Noon pa ito sinabi ng BoC pero hanggang ngayon, wala pang nasasampahan ng kaso. Kung may nasampahan, bakit ayaw pangalanan. Masyado kayang maiimpluwensiya ang mga ito kaya itinatago ang pagkakakilanlan?

Madaliin ng Department of Justice ang pagsasampa ng kaso sa mga smuggler ng gulay para maparusahan sila. Kawawa ang mga magsasaka ng gulay na apektado nang malawakang smuggling. Nadadaya ang gobyerno ng bilyong piso sa buwis dahil sa mga iniismagel ng produktong agrikultura.

 

Show comments