^

Punto Mo

Fake news, mas ­mabagsik kaysa ­COVID-19

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

Kapag alam natin na may problema, pero hindi natin matiyak kung alin ang problema, napakalaking problema non.  Naalala ko ang pag-amin ng isang law professor sa gabi ng kanyang pagreretiro.  Nandoon ang napakaraming naging estudyante niya.  Sabi niya, “Kalahati ng itinuro ko sa inyo ay hindi tama. Ang problema, hindi ko alam kung alin sa aking mga itinuro ang tama at alin ang hindi tama.”

Ganitung-ganito ang sitwasyon natin ngayon. Sa isang survey na ginawa ng Pulse Asia, lumalabas na siyam sa bawat 10 Pilipino o 86 porsyento ng ating populasyon, ang naniniwala na isa nang malalang problemang pambansa ang fake news na nakukuha hindi lamang sa mga social media platforms na tulad ng FB, Twitter at YouTube, kundi maging sa mga traditional media na tulad ng TV, radio at diyaryo.  Ayon pa sa survey, nangunguna sa tagapagpalaganap ng fake news ang mga social media influencers na kung tawagin ay bloggers at vloggers, sinusundan ng mga mamamahayag, mga pulitiko, mga negosyante, at pumuntos din, bagamat maliit na porsyento lamang, ang mga lider ng simbahan.

Nanganganib tayong lahat sa virus ng fake news na mas mabagsik pa kaysa COVID-19, sapagkat ang winawasak nito’y ang dignidad ng ating pagkatao at ang dangal ng ating bansa bilang isang malaya’t sibilisadong lipunan. Winawasak ng fake news ang moral fiber ng ating lipunan na panipis nang panipis at nanganganib na mapunit kung walang gagawing hakbang para mapigilan ito. Dahil sa fake news, ang nagiging basehan ng ating opinyon at paninindigan ay ang kasinungalingan. Ayon sa isang matandang salawikaing Africano, “Ang isang ­kasinungalingan ay may kapangyarihang magwasak ng isang libong katotohanan.”

Matagal din akong naging mamamahayag. Noon, talagang sinasalang mabuti ang anumang balita sa diaryo, radyo o telebisyon. Kailangang tukuyin ang pinanggalingan ng impormasyong ibinabalita. Hindi puwedeng anonymous o walang pagkakakilanlan ang nagbabalita. Ngayon, marami sa mga social media influencers ang mahirap tuntunin kung sino, sapagkat hindi binabanggit ang tunay na pangalan. Tayo’y nabubuhay sa isang panahon na ang kalayaan sa pamamahayag ay walang katumbas na responsibilidad. Kapag hindi sinasabi ng blogger o vlogger ang totoo niyang pangalan at ni hindi gumagamit ng totoong litrato, kailangang pag-alinlanganan ang anumang kanyang sinasabi. May nanloloko dahil may napaloloko

Bakuna ang panlaban sa COVID 19, samantalang talas ng isip sa pagsusuri sa mga impormasyon ang panlaban sa fake news. At ito ang malaki nating problema. Ayon sa hiwalay na survey ng Pulse Asia, mahigit sa kalahati ng mga Pilipino ay walang kakayahang tukuyin kung alin ang peke at ang totoo sa nababasa’t naririnig sa social at traditional media. Ibig sabihin, kalahati sa tinatayang 90 milyong regular na gumagamit ng social media o 45 milyong Pilipino ang naloloko ng mga fake news.  Sapat na ang bilang na iyan para tayo’y ibaon sa kumunoy ng kasinungalingan bilang isang bansa!

Lubhang napapanahon ang ganitong babala ni Hesus, “Magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati.” Noong sinaunang panahon, ang ahas ay simbolo ng karunungan, isang nilikhang mahirap maloko at malinlang. Katungkulan nating maging mapanuri sa mga nababasa’t naririnig.  Maging tulad ng isang matalinong ahas, ngunit manatiling mahinahon at kalmado na tulad ng isang kalapati.

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with