Wheelchair (30)
“BAKIT Tito Mon, anong kutob mo?’’ tanong ni Jong na may pag-aalala sa boses.
“Parang may mangyayari. Basta ganun ang kutob ko.’’
“E ‘di lalo dapat kitang samahan at baka kung ano ang mangyari sa iyo. Hindi kita hahayaan na mag-isa sa kalsada.’’
“Kaya ko naman, Jong. Nung wala ka nga rito, mag-isa akong yumayaot. Hindi naman talaga ako disable—kunwari lang na PWD ako.’’
“Kahit pa Tito. Basta sasamahan kita. Hindi kita iiwanan.’’
Napatitig kay Jong si Tito Mon. Parang humahanga ito sa pasya ni Jong na samahan siya sa lahat ng oras.
“Sige, tayo na. Pero magsuot ka ng sumbrero at takpan mo mukha mo. ‘Di ba sabi mo ginagawan ka ng isyu ng kaklase mo. Mabuti nang nakahanda ka at baka may kalokohang gawin.’’
“Opo, Tito Mon.’’
Umalis na sila at nagtungo sa Dapitan. Mula nang “katuwaan” ni Bart si Jong ukol sa nakitang lalaking nagtutulak ng wheelchair ay sa Dapitan na sila “naghanapbuhay”. Sabi ni Tito Mon, ligtas si Jong sa Dapitan dahil maliit ang posibilidad na may makakakita ritong kaklase. Hindi katulad sa España na talagang maraming estudyanteng nagdadaan sakay ng dyipni.
Tamang-tama ang dating nila sa kanto ng Dapitan at Gov. Forbes. Trapik. Hindi gumagalaw. Nakatiyempo agad sila sa unang kotse na hiningan nila ng limos, inabutan sila ng P100.
“Magandang Buena mano, Jong. Mukhang marami tayong kikitain.’’
“Sana nga po.’’
Nagkatotoo ang sinabi ni Tito Mon. Sunud-sunod ang naglimos. At hindi barya ang iniaabot kundi papel. Suwerte talaga.
Makalipas ang isang oras, may napansin si Jong sa di-kalayuan. Tatlong lalaki na tila may hinahanap. Palinga-linga ang mga ito.
“Si Bart!’’ nasabi ni Jong.
“Sinong Bart?’’
“’Yung nambu-bully sa akin!”
(Itutuloy)
- Latest