^

Punto Mo

Pera o puri?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

PINAGTATALUNAN pa kung dapat nang ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), isang online gambling na nagsimula noong 2016 sa ilalim ng panunungkulan ni Presidente Duterte. Ayon sa mga tagapagtanggol ng POGO, kailangan natin ang nasisingil na buwis mula rito na noon lamang nakaraang taon ay nakapagbayad ng P3.91 bilyong buwis. Isang gambling consultant ang nagsabi na aabot sa P200 bilyon taun-taon ang naiambag ng POGO sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa punto ng pera, talagang malaki ang naipapasok ng POGO sa kaban ng bayan, ngunit ayon sa mga kritiko, hindi matutumbasan ang pinsalang naidudulot ng POGO sa lipunang Pilpino, na kung tawagin ay social costs, tulad ng paglaganap ng prostitution, pag-eempleyo ng mga menor de edad at iba pang paglabag sa labor laws, kidnaping at human trafficking. Alin ba ang pahahalagahan natin, pera o puri?

Ang POGO ay sugal.  Naalala ko ang laging sinasabi sa amin ng aking lolo noong kami’y mga bata pa, “Walang nananalo sa sugal kundi ang may pasugal.” Addict din ang tawag sa mga taong nalululong sa sugal, pero ang malungkot ay damay ang buong pamilya. Isang ­polyetong tumutuligsa sa sugal ang may ganitong sinasabi, “Ang sugal ay isang sakit pampamilya. ­Maaaring isa lamang ang addict dito, pero ang buong pamilya ang nagdurusa.”

Dahil sa sugal, maraming buhay ang nasisira, pamilyang nawawasak, negosyong bumabagsak. Dahil sa sugal, maraming estudyanteng nahihinto sa pag-aaral. Dahil sa sugal, marami ang nawawalan ng pera, puri at pangarap. Sabi ng manunulat na si William Bolitho, “Ang sugarol ay isang taong nabubuhay sa maling pag-asa.”

Sa Bibliya, ganito ang sinasabi sa Mga Kawikaan 13:11, “Mauubos ang kayamanang nakuha sa madaling paraan, ngunit siyang unti-unting nagtitipon ay madaragdagan.” Ang mga yumaman dahil sa sugal, sa malao’t madali ay nagiging pulubi dahil din sa sugal. Ito ang malungkot na nangyayari sa ating lipunan, maraming Pilipino ang inaasa ang pagganda ng buhay sa sugal, kaysa sa pagsisikap at unti-unting pag-iimpok.  Maraming Pilipino ang pangarap ay biglang-yaman, kaya ang inaalmusal ay jueteng, lotto, sabong, karera, casino, mahjong at marami pang iba.

Hindi lamang POGO ang dapat ipagbawal. Dapat ipagbawal ang lahat ng uri ng sugal, sapagkat ang pundasyon nito’y maling pag-asa. Iisa lamang ang kahahantungan ng maling pag-asa, ang kapahamakan.

Ito ang isang transpormasyong dapat maganap sa mga Pilipino upang magkaroon tayo ng isang lipunang maipagmamalaki natin sa buong mundo. Kailangang itapon na natin ang isang kulturang umaasa sa tsansa o bakasakali na tulad ng sugal. Mula sa “bakasakali mentality,” ang dapat mangibabaw sa atin ay ang “sikap at tiyaga mentality.”

Dapat ay lumikha na ang Kongreso ng batas na magbabawal sa lahat ng uri ng sugal. Ligal man ang sugal ay sugal pa rin at pareho rin ang samang idinudulot sa lipunan. Sa edukasyon, kailangang maging bahagi ng kurikulum ng basic education ang pagpapahalaga sa pagsisikap, pagtitiyaga at pag-iimpok. Tayong karaniwang mamamayan, huwag na nating tangkilikin ang mga palabas sa telebisyon na ang panghimok ay ang mga “games of chance.” 

Mahalagang isapuso natin na ang dignidad ay laging mas mahalaga kaysa kayamanan. Sabi ni Hesus sa Lucas 12:15, “Ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”         

POGO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with