‘Wanted criminal’ sa Africa, natimbog nang mag-aplay ng trabaho sa police station!

ISANG “criminal” sa South Africa ang walang kahirap-hirap na nahuli ng mga pulis matapos itong mag-apply ng trabaho sa isang police station kahit kabilang siya sa wanted list!

Pitong taon nang nagtatago sa mga awtoridad ang 40-anyos na si Thomas Ngcobo dahil sa pagnanakaw ng mga hardware materials na nagkakahalaga ng $1,200.

Nagtatrabaho bilang delivery man sa isang hardware store noong 2015 si Ngcobo. Imbes na ideliber sa tamang address ang mga order na hardware materials, dinadala niya sa kanyang kasabwat ang mga ito upang ibenta nila sa mas murang halaga.

Inilagay sa “wanted criminal list” si Ngcobo matapos siyang kasuhan ng kanyang employer ngunit mabilis siyang nakapagtago at hindi na nahanap sa loob ng pitong taon.

Nito lamang August 15, 2022, nagpunta si Ngcobo sa Bethal South African Police Service station sa Mpumalanga. Nagreklamo ito sa front desk ng istasyon na hindi pa siya nakakatanggap ng tawag para sa job application na ipinasa niya para sa police recruitment drive.

Nang mapansin ng front desk officer na kapangalan ng lalaking nagrereklamo ang isa sa mga nasa wanted list, agad niya itong hinuli at ikinulong.

Dahil nag-viral at kinatuwaan ang kuwentong ito ng South African netizens, tinawag nila si Thomas Ngcobo bilang “South Africa’s dumbest criminal”.

Show comments