Ginger (131)
UMAKYAT sa kubo sina Anton, Ginger at Mulong.
“Hindi man lang kayo nagpasabi na darating kayo ngayon. Sana ay nakahuli ako ng labuyo para mayroong ulam,’’ sabi ni Tandang Nado.
Nagtawa si Anton.
‘‘Paano po kita masasabihan e wala naman pong paraan—wala po cell phone, ha-ha-ha!’’
‘‘Aba hindi mo ba alam gamitin ang bato na binigay ko sa iyo para makontak ako?’’
“Paano po magagamit ang bato?’’
‘‘Ah siguro ay hindi ko nasabi sa’yo, Anton.’’
“Ang ano po?’’
“Kapag pinukpok mo ng tatlong beses sa lupa ang bato, maririnig ko. At kapag ako naman ang pumukpok dito, maririnig mo rin.’’
‘‘Talaga po? Sayang dapat nagkausap tayo.’”
‘‘Sa sunod ganun ang gawin mo. Para naman alam ko na darating kayo. Nakakahiya tuloy kay Ginger na wala akong maipakain man lang.’’
“Okey lang po Tandang Nado.’’
“Kumakain ka ba ng tilapia na ginataan?’’
“Ay opo. Masarap po ‘yun lalo kapag may dahon ng mustasa.’’
“Sige at magluluto ako. Marami akong tilapia na alaga. Kukuha lang ako. Maghintay kayo rito.’’
“Tutulungan kitang manghuli, Tandang Nado,’’ sabi ni Mulong.
‘‘Sige halika Mulong. Kukuha rin tayo ng niyog at saka mustasa.’’
Umalis na ang dalawa.
Habang naghihintay ay nag-uusap sina Anton at Ginger.
“Napakabait pala ni Tandang Nado, Anton?’’
‘‘Oo. Napakabait niya.’’
‘‘Mag-isa lang ba siyang nakatira rito?’’
‘‘Oo. Mula raw nang mamatay ang asawa niya, dito na siya nanirahan.’’
“May anak sila?’’
“Hindi ko naitanong.”
‘‘Napakasimple ng buhay dito ano? Parang masarap manirahan dito.’’
‘‘Gusto mo dito na tayo?’’
(Itutuloy)
- Latest















