EDITORYAL - P2-B downpayment sa chopper deal, bawiin

Ang Duterte administration ang nakipag-deal sa Russia sa pagbili ng 16 na Mi-17 helicopters noong Enero 2022 na nagkakahalaga ng P12.7 bilyon. Agad-agad na nag-down ng P2-bilyon na hindi muna inalam kung may mga problemang kahaharapin sa pagpasok sa helicopter deal.

Si Duterte mismo ang nag-utos na i-scrapped ang deal makaraang payuhan ni dating Finance secretary Carlos Dominguez na posibleng maharap sa sanctions ang Pilipinas kapag itinuloy ang deal sa Russia.

Ayon kay Dominguez, kabilang sa sanctions na ipapataw ay ang pag-freeze ng mga bank accounts ng Pilipinas sa abroad at ang pagpigil sa remittances ng mga Pilipino mula sa U.S. patungong Pilipinas.

Ang pag-scrapped sa deal ay kinumpirma naman ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana, ngayon ay pinuno ng Bases Conversion and Deve­lopment Authority (BCDA). Ayon kay Lorenzana, itinigil nila ang chopper deal noong Hunyo 25, 2022, limang araw bago bumaba sa puwesto si Duterte. Isa si Lorenzana sa signatory ng kontrata.

Ang nakadidismayang sinabi ni Lorenzana ay hindi niya alam kung mababawi pa ng Pilipinas ang paunang bayad na P2 bilyon sa Russia. Mukhang mahirap na raw mabawi dahil ang Pilipinas ang umatras sa deal. Mahaba-haba umanong negosasyon ang kakailanganin para mapapayag ang Russian government na ibalik ang P2 bilyon.

Pagsikapang bawiin ang binayad na bilyones sa Russia. Hindi biro ang halagang iyon. Maraming mahihirap ang matutulungan lalo pa’t ngayon ay salat na salat ang karamihan sa mga Pilipino dahil sa inflation. Hindi malaman ng kasalukuyang pamahalaan kung saan kukunin ang pang-ayuda sa mga naghihikahos na mamamayan. Bawiin ang ibinayad sa chopper deal para may pandagdag ayuda sa mahihirap na mamamayan.

Show comments