May-ari ng korporasyong may utang, maari bang idemanda?

Dear Attorney,

Maari ba naming idemanda ang may-ari ng isang korporasyong nanloko sa amin kahit sa mga dokumento ay ang korporasyon ang aming katransaksyon? Kung korporasyon po kasi ang idemanda namin ay baka balewalain lang ng may-ari ang kaso. —Lenny

Dear Lenny,

Ang mga korporasyon ay may tinatawag na “juridical personality”. Ibig sabihin, kahit hindi tao ang mga korporasyon ay itinuturing sila ng batas na may ­sariling personalidad na hiwalay at iba mula sa kanilang mga may-ari. Ito ang dahilan kung bakit may kakayahan ang mga korporasyon na magkaroon ng mga ari-arian sa ilalim ng pangalan nila. Ito rin ang dahilan kung kaya maari silang magsampa o masampahan ng kaso.

Mahalaga ang pagkakaroon ng hiwalay na personalidad ng mga korporasyon mula sa mga may-ari o opisyales nito dahil ibig sabihin ay hindi maaring habulin ang mga may-ari o opisyales para sa mga pananagutan ng korporasyon. Gayundin, hindi maaring ihabla ang korporasyon para sa pananagutan ng mismong may-ari at mga opisyales nito.

Hindi naman ibig sabihin nito ay lagi na lang hindi mahahabol ang mga may-ari at opisyales ng isang korporasyon para sa mga pananagutan ng huli.

Maaring ang mga may-ari at opisyales ang ihabla at pananagutin sa halip na ang korporasyon kung (1) ginagamit lamang ng mga may-ari ang korporasyon upang makatakas sa mga pananagutan nila; (2) ginagamit ng mga may-ari ang korporasyon upang makapanloko; at (3) lubos ang kontrol ng mga may-ari sa korporasyon kaya masasabing instrumento na lamang ito at wala na itong hiwalay na personalidad mula sa mga may-ari.

Kaya kung balak mong ihabla ang mismong may-ari ng korporasyon ay ­kailangan mong mapatunayan ang mga nabanggit. Hindi kasi basta-basta babalewalain ng korte ang pagkakaroon ng mga korporasyon ng hiwalay na personalidad mula sa kanilang may-ari kaya kailangang mapatunayan na ginagamit lamang ang korporasyon ng may-ari nito upang makapanloko at makatakas sa kanyang mga pananagutan.

Show comments