Security sa ­inauguration ni BBM, ikinasa na!

LILINISIN ni Manila Police District (MPD) director Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco sa tinatawag na street dwellers ang kapaligiran ng National Museum of the Philippines para ma­ging presentable ito sa inauguration ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa Hunyo 30. Pinangunahan ni Gen. Francisco ang mga personnel ng Department of Public Safety (DPS) ng City Hall at ng District Mobile Force Batallion ((DMFB) ng MPD ang pag-iikot sa National Museum, at Luneta para dalhin ang street dwellers sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng siyudad.

Noong kasagsagan ng COVID-19, umaabot sa 700 street dwellers ang naihatid ni Gen. ­Francisco sa DSWD. Subalit sa pagkakataon na ito, tinitiyak niyang kokonti na lang ang mahagilap nila dahil sa programa ng gobyerno at City Hall na tulungang umuwi ang karamihan sa kanila sa probinsiya. Mismooooo! Hak hak hak!

Dapat ipagpatuloy ni BBM ang balik-probinsiya na programa ng gobyerno para matulungang maiahon sa kahirapan itong mga street dwellers na mga walang trabaho. Sa probinsiya kasi, kapag masipag ka, aba’y tiyak may pagkain ang pamilya mo. Dipugaaaaa!

Kaya naman kailangang linisin ang kapaligiran ng National Museum dahil hindi biro ang mga bisita na darating para umattend ng inauguration ni BBM. May mga ambassador, heads of States, at VIPs kaya’t sangkaterbang security ang ide-deploy ng Task Group Panunumpa na pinangungunahan ni NCRPO chief Maj. Gen. Felipe “Pipoy” Natividad.

May kabuuang 4,000 pulis-Maynila ang ikakalat sa kapaligiran ng National Museum at may ganun kadami ring numero ang augmentation galing kay Gen. Natividad at sa National Headquarters ng PNP sa Camp Crame. Nilinaw ni Gen. Francisco na bilang deputy ni Gen. Natividad, ang outer security lang ang kanilang aatupagin samantalang ang tagapamahala naman sa loob ng venue ay ang Presidential Security Group (PSG).

Ayon kay Gen. Francisco, papayagang nilang pumasok ang BBM supporters subalit ang PSG na ang magdesisyon kung ilan lang ang magiging capacity ng venue. Dipugaaaaa! Hak hak hak! Hayan mga kosa kong maka-BBM ha, hindi ang MPD ang dapat sisihin kung hindi kayo makapasok sa National Museum. Mismooooo!

Nakatatlong miting ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na sangkot sa inauguration ni BBM ng nakaraang Lunes at nagtapos ito sa ocular inspection sa venue. Tinantiya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung ilang bleacher ang itatayo para i-accomodate ang guests ni BBM.

Ang Department of Foreign Affairs (DFA) naman ang magdesisyon kung saan pauupuin ang mga piling panauhin tulad ng ambassadors, heads of states at VIPs. Siyempre, titiyakin din ng PSG na walang panganib na haharapin ang mga dayuhang bisita, di ba mga kosa? Mismooooo! Hak hak hak! Alerto at iwas salisi lang itong PSG natin. Dipugaaaaa!

Iginiit naman ni Gen. Francisco na sa lahat ng may gustong magsagawa ng protest rally sa Hunyo 30, puwede ito sa mga freedom parks, subalit bawal sa malapit sa National Museum. Hindi naman maganda, aniya, na sa unang araw ni BBM sa puwesto ay sasalubungin na ito ng protest rally. Mismooooo! Abangan!

Show comments