EDITORYAL - Katiting na umento sa sahod, saan aabot?

APRUBADO na ang P33 na dagdag sa sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila. Ang magiging minimum wage para sa manggagawa sa NCR ay P570 at P533 sa mga nasa probinsiya. Sa Hunyo 15 umano magkakabisa ang bagong dagdag sa sahod. Huling nagtaas ng sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor noong Nobyembre 22, 2018.

Ang dagdag na P33 ay sinalubong ng batikos ng mga manggagawa. Ayon sa mga manggagawa, saan aabot ang dagdag na P33. Wala na umanong mabibili ang ganito kaliit na halaga sapagkat ang inflation rate noong nakaraang Abril sa NCR ay umakyat na sa 4.4 percent at sa labas ng Metro Manila ay 5.1 percent.

Sinabi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na kakarampot ang umentong P33 at nananatiling mababa o nasa ilalim ng poverty threshold. Hindi ito makasasapat sa mataas na presyo ng mga bilihin sa buong bansa.

Isang araw makaraang aprubahan ang wage order na nagdadagdag ng P33 sa minimum wage, inaprubahan naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang dagdag-presyo sa mga pangunahing bilihin na kinabibilangan ng sardinas, instant noodles, gatas, sabong panlaba, delatang karne, corned beef, kape, battery at maski asin ay inaprubahan din ang pagtataas.

Katataas lamang ng presyo ng ilang panguna­hing bilihin noong Pebrero at ngayon ay may bago na namang pagtataas. Kaya ang dagdag na P33 sa minimum wage, walang epekto. Hindi sasapat sa araw-araw na pamumuhay.

Inaabangan ngayon ang hinihiling ng transport groups na dagdag-pasahe sa pampublikong sasak­yan. Wala na umanong kinikita ang mga drayber ng PUVs dahil sa walang tigil na oil price hike. Magro-roll back ng konti ang oil companies at sa sunod ay babawiin muli sa pagtataas ng presyo.

Kapit sa patalim ang mga mahihirap na apektado nang patuloy na pagtataas ng bilihin samantalang naiiwan naman ang kanilang suweldo. Makagawa sana ng paraan ang susunod na administrasyon sa problemang ito ng mamamayan na karamihan ay isang kahig, isang tuka.

Show comments