^

Punto Mo

Rebolusyong historikal at kultural

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SABI ni Marcus Garvey, pambansang bayani ng Jamaica sa Caribbean, “Ang mga taong walang nalalaman tungkol sa nakaraang kasaysayan, pinanggalingan at kultura ay katulad ng isang puno na walang mga ugat.” Ang malalim na kaalaman tungkol sa nakaraan ang tumutulong sa atin para unawain ang kasalukuyan at harapin ang kinabukasan.

Lubhang napakahalaga para sa ating mga kabataan na magkaroon ng malalim na kaalaman at pagkaunawa sa kasaysayan. Ang kawalan nito’y hahantong sa kamatayan ng ating kakayahan at kultura na nagsasabi kung ano at sino tayo. Ito’y isang pambansang pagpapatiwakal.

Napakalungkot na marami sa mga kabataan ang walang alam sa kasaysayan. Lumutang ito kamakailan sa quiz bee portion ng TV program na “Pinoy Big Brother.” Hindi alam ng mga housemates kung ano ang palayaw nina Jose Rizal, Melchora Aquino at Gen. Gregorio del Pilar.

Heto ang talagang shocking, nang tanungin ang isa pang housemate kung ano ang taguri kina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora—ang tatlong paring Pilipino na pinatay ng mga Kastila dahil sa paratang na pagkakasangkot sa Cavite arsenal mutiny—ang sagot niya’y Majoha (napakalapit sa popular na salitang jowa), sa halip na Gomburza.

Masisisi ba natin ang ating mga kabataan sa kawalan nila ng muwang tungkol sa kasaysayan?  Hindi!  Ang may kasalanan nito’y ang Kongreso na nagpasa, at ang DepEd na nagpapatupad, ng bagong K to 12 curriculum bilang pag-alinsunod sa itinatadhana ng Enhanced Basic Education Act of 2013. Ito’y nagdagdag ng dalawang taon sa sistema ng edukasyon at nagtanggal ng ilang mga subjects, tulad ng kasaysayan ng Pilipinas, sa school curriculum. Ayon sa DepEd, bahagi pa rin ng kasalukuyang curriculum ang kasaysayan ng Pilipinas, ngunit ito’y hinalo na lamang sa iba pang subjects.  Katulad din ito ng nangyari sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) na dati’y hiwalay na subject na ginagraduhan, ngunit ngayon ay inihalo na lamang sa iba pang subjects. 

Ang kasalukuyang sistema ng ating edukasyon ay lilikha ng mga estudyante na hindi lamang walang alam sa kasaysayan kundi walang modo. Siyempre, ang pag-aaral tungkol sa kasaysayan ay hindi lamang pagkabisa sa mga pangalan at makasaysayang pangyayari. Ang higit na mahalaga ay ang pagkaunawa sa implikasyon ng mga makasaysayang pangyayari sa ating pang-araw-araw na buhay sa kasalukuyan.

Kung malalim ang pagkaunawa ng ating mga kabataan tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas, hindi sila basta-basta mapapaniwala ng mga pagtatangka na rebisahin ang tunay na kasaysayan. Hindi nila basta matatanggap na ang 14-taong batas militar sa Pilipinas ang ginintuang mga taon ng ating kasaysayan, sapagkat ito’y lihis na lihis sa mga dokumentadong pangyayaring historikal. Ayon sa mga mapagkakatiwalaang sources sa loob at labas ng bansa, nang mabuwag ang diktaduryang Marcos noong 1986, ang Pilipinas ang tinaguring “The Sick man of Asia,” baon tayo sa utang; tinatayang $5 milyon hanggang  $10 milyon ang ninakaw sa kaban ng bayan, mahigit sa 3,000 ang pinaslang, at 70,000 ang ikinulong at pinahirapan.  Napakalayo nito sa kahulugan ng ginintuang mga taon.

Para magkaroon tayo ng magandang bukas, isang uri ng rebolusyon ang kailangan natin—ang rebolusyong historikal at kultural. Kung hindi mangyayari ito, patuloy lamang tayong malulubog sa kumunoy ng kahirapan at kawalang-karangalan hanggang sa humantong tayo sa ating libingan.

CULTURAL

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with