46-M Yen na ayuda para sa mga nakatira sa isang maliit na bayan sa Japan, naibigay sa isang tao lamang!

NAGING laman ng mga news headline sa Japan kamakailan ang tungkol sa bayan ng Abu nang magkamali silang ipadala ang ayudang 46.3 million yen sa iisang tao lamang!

Ang Abu ay matatagpuan sa Yamaguchi Prefecture. Ito ay maliit na bayan na may 463 households. Dahil sa COVID-19, ang bawat household ay napagkalooban ng kanilang gobyerno ng 100,000 yen na ayuda.

Ngunit 462 sa mga household na ito ay hindi natanggap ang kanilang ayuda dahil napadala lahat ang pera sa iisang household!

Ayon sa town officials ng Abu, isa sa kanilang staff member ay may nagawang technical error sa system habang pinoproseso ang bank transfer na naging dahilan para mapunta ang 46.3 million yen sa iisang household.

Nang sinubukang ipabalik ng mga awtoridad ang pera mula sa household na nakatanggap ng 46.3 million yen, tumanggi ito na ibalik ang pera dahil nagastos na niya diumano ang lahat ng ito. Dagdag pa nito, wala siyang balak magtago sa mga awtoridad at handa siyang pagbayaran ang kanyang kasalanan.

Dahil dito, naglabas ng public apology ang mayor ng Abu na si Norihiko Hanada at nagpadala muli siya ng ayuda na 100,000 yen sa bawat household pati na rin sa nakatanggap ng 46.3 million yen.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad ng Abu sa mga pulis at abogado upang pag-aralan kung ano ang ikakaso at ipaparusa sa nagwaldas ng 46 million yen na ayuda.

Show comments