Ang itlog sa buhay ng mga Pinoy

ISA na sa mga tradisyong minana ng Pilipinas mula sa mga kanluraning bansa  at isinasagawa tuwing Linggo ng Pagkabuhay na pagtatapos ng Semana Santa ang pagpipinta at pagdidisenyo ng mga itlog na inireregalo o kaya ay ginagawan ng laro. Nariyan din ang Easter egg hunt na ang mga bata ay pinaghahanap at pinagkokolekta ng mga nakatagong itlog. Kaya ngayong Easter Sunday, uso na naman ang itlog.

Bakit itlog? Sinasabing sinisimbolo ng Easter egg ang muling pagkabuhay ni Hesus. Ginagamit ang itlog bilang ­representasyon ng bagong simula kaya nangangahulugan ito ng pag-asa.

Madalas ginagawa ang Easter egg hunt sa mga bahay o sa simbahan pero meron ding nagpapraktis nito sa mga shopping malls o sa ibang mga lugar na merong aktibidad para sa mga bata.

Tulad sa ibang mga bansa, naging regular na kasama sa mga madalas kainin ng mga mamamayan sa Pilipinas ang itlog.  Naging bahagi na ito ng buhay ng mga Pinoy. Kahit sino ay maaaring makakain nito, mayaman man o mahirap. Isa kasi ito sa pinakamura, praktikal at madaling lutuin. Ang itlog ay  puwedeng ulam sa kanin, meryenda, almusal at hapunan. Naipapalaman din ito sa tinapay.

Napakasarap nito kung sasawsawan ng ketchup kung nakaprito o scrambled egg. Isinasahog ito sa ilang klase ng mga ulam tulad sa sarsiyado, ginisang ampalaya, pritong talong, mga putaheng karne,  at kasamang sangkap sa mga panghimagas  o meryenda gaya ng leche flan, pansit palabok, lomi o noodles at iba pa. Kaya nga sinasabing mainam na laging may itlog sa bahay  dahil sa maraming bagay na puwedeng gawin dito.

Kung nagmamadali ka, sobrang pagod na at wala nang oras mamalengke o magluto, bumili ka lang sa malapit na tindahan o  kumuha ka na lang ng itlog sa refrigerator at ilaga ito o iprito at wala pang limang minuto ay may instant ulam ka na.  Kapag nga ang isang pirasong malaking itlog ay scrambled ang pagkakaluto, puwede na siyang iulam ng dalawa o tatlong tao.

May mga usapin nga lang hinggil sa itlog na matagal nang pinagdedebatihan tulad ng epekto nito sa kalusugan ng tao. Partikular ang sinasabing, bagaman magandang pagkunan ng protina ang itlog at pampalakas ito ng katawan, napakataas naman ng cholesterol na taglay nito lalo na iyong pula nito o egg yolk na nakakapagdulot ng ilang sakit tulad ng mataas na alta presyon at atake sa puso o stroke.. Ilang health expert ang nagmumungkahing isang itlog lang ang dapat kainin sa isang araw. May mga tao naman na puti lang ng itlog ang kinakain.

Marami nang debate at pag-aaral na isinagawa sa epekto ng itlog sa kalusugan ng tao. May nagsasabing dapat isang itlog lang sa isang araw o isang itlog sa loob ng isang linggo ang kainin. May mga health expert na nagmumungkahing kumain lang nito nang katamtaman. Gayunman, mainam din ang itlog sa mga atleta na nangangailangan ng mas malakas na enerhiya. Pero, ang tiyak, hindi mawawala sa hapag kainan ng mga Pinoy ang itlog.

 

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments