^

Punto Mo

EDITORYAL - Trapik sa Metro Manila buhul-buhol na naman

Pang-masa
EDITORYAL - Trapik sa Metro Manila buhul-buhol na naman

MULA nang ilagay sa Alert Level 1 ang Metro Manila­ at 38 lugar noong Martes, marami na agad ang nagbago. Unang-una na ang pagbabalik ng trapik. Dati, hindi usad-pagong ang EDSA-Kamuning flyover pero ngayon, usad-pagong na uli hanggang Cubao. Paglampas ng Cubao, usad-pagong na naman hanggang Crame na tumatagal hanggang Ortigas. Dalawang oras na naman ang bubunuin bago makarating sa Ayala, Makati. Kahit ang mga bus na may sariling lane, nata­trapik din. Nagsisiksikan sa isang lane.

Dati walang trapik sa Port Area o kung meron man, tuwing lumalabas lang ang mga container truck. Pero ngayon, wala nang galawan sa mga kalsada sa Port Area sapagkat bumalandra na ang mga dambuhalang truck. Hindi na makatawid ang mga pribadong sasak­yan kaya ang mga nagmamadaling empleyado, naglalakad na lamang para makarating sa oras. Walang magagawa sapagkat aabutin ng siyam-siyam sa kalye kung hindi bababa at maglalakad. Wala namang traffic­ enforcers na nagmimintina o nag-aayos ng trapiko. Bahala nang maglabu-labo at magkagulo ang mga motorista.

Buhul-buhol din ang trapik sa Commonwealth, Min­danao­ at Quezon Avenues. Halos lahat ng sasakyan ay nasa kalye na yata makaraang ideklara ang pagluluwag. Kapansin-pansin ang pagtatrapik sa mga kalsadang malapit sa mall. Kahit ordinaryong araw, nakapila ang mga sasakyan na pumapasok sa parking area ng mga malalaking mall. Tila ba nasabik ang mga tao sa pamamasyal sa mall na dalawang taon na nahinto dahil sa pandemya.

Patuloy pang sisikip ang trapiko sa Metro Manila kaya nararapat nang ibalik ang color coding sa dating oras sa umaga. Sa kasalukuyan, tuwing alas singko hang­gang alas otso ng gabi ang coding.

Buksan din ang mga alternate route para naman mayroong daanan na mas mabilis ang mga motorista. I-open ang mga subdibisyon para mabawasan ang trapik sa mga pangunahing kalsada. Simulan na ring baklasin ang mga nakahambalang sa kalye gaya ng mga tindahan, car wash, basketball court at kung anu-ano pang nakaaabala sa mga sasakyang dumaraan.

Malaking hamon ito sa bagong namumuno sa Metro Manila Development Authority (MMDA).

TRAFFIC

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with