^

Punto Mo

Hindi mamamatay ang diwa ng EDSA

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KAHAPON, Pebrero 25, ginunita ng Pilipinas ang ika-36 taon ng EDSA People’s Power Revolution, ang matahimik na rebolusyong nagpabagsak sa 20-taong diktaduryang Marcos at nagpahanga sa buong mundo sa ipinakitang katapangan ng mga Pilipino sa pagtatanggol sa demokrasya. Dahil sa makasaysayang pangyayaring ito, nakuha muli natin ang respeto ng sangkatauhan. Ngunit ang malungkot, marami ngayon ang nababahala na baka ito na ang huling pambansang pagdiriwang ng naturang rebolusyon.

May basehan ang pagkabahala, sapagkat kung sakaling ang mahahalal na susunod na Presidente ng Pilipinas ay ang anak ng diktador, si Ferdinand Marcos, Jr, malamang ay hindi na pagbuhusan ng pambansang atensyon ang makasaysayang araw, hanggang sa ito’y mabaon na sa limot pagkaraan ng anim na taon. Ang higit na masaklap ay baka mabago ang kasaysayan—gawin itong pagluluksa kaysa pagdiriwang. At ang September 21, na deklarasyon ng batas militar, ay siyang maging araw ng pagdiriwang.

Imposible ba itong mangyari? Sa ibang bansa, baka imposible, pero sa Pilipinas, posibleng-posible. Only in the Philippines! Dito sa atin, ang mga lider na napatalsik na dahil sa katiwalian, pandaraya at imoralidad ay nakababalik pang muli sa kapangyarihan. Ganyan tayo kadaling makalimot sa kasaysayan. O mas tugma yatang sabihin na ganyan kadaling mabilog ang ating ulo ng mga tradisyunal na pulitiko. Ano kaya ang dahilan at tayo’y lubhang kakaiba? Hindi kaya nagkamali si Ninoy Aquino sa pagsasabing, “the Filipino is worth dying for?”

Maaaring mawala ang opisyal na pagdiriwang ng EDSA People’s Power Revolution tuwing Pebrero 25.  Pero sigurado ako na ang diwa ng EDSA ay mananatiling buhay sa mga Pilipinong tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa Pilipinas. Mas nakararami pa rin ang mga Pilipinong may konsensya, may sariling bait, at tunay na Pilipino sa puso, isip at diwa.

Mananatiling buhay ang diwa ng paglaban kapag garapalan na ang pagyurak sa kalayaan at mga karapatang pangtao. Hindi mamamatay ang awiting, “ibon mang may layang lumipad, kulungin mo’t umiiyak, bayan pa kayang sakdal dilag ang di magnasang makaalpas.” Sa takdang panahon, ang awit ay magiging pambansang pagkilos.

Mananatiling buhay ang diwa ng pagtatanggol sa sobereniya ng Pilipinas sa harap ng unti-unting pananakop ng higanteng Tsina. Hindi natin ituturing ang ating sarili na inutil, sapagkat lalaban tayo hindi sa pamamagitan ng lakas ng armas, kundi sa pamamagitan ng tibay ng loob na hindi kayang pigilan ng anumang sandata. Nananalaytay sa ating mga ugat ang dugo ng kabayanihan ng ating mga ninuno.

Mananatiling buhay ang diwa ng pakikibaka laban sa kasinungalingan, pandaraya at panlilinlang na laganap sa social media at maging sa mainstream media. Isang araw, babangon ang katotohanan na pilit na inililibing sa kabaong ng salapi at kapangyarihan upang lupigin ang kasinungalingan.

Mananatiling buhay ang pagtitiwala natin sa isa’t isa bilang mga Pilipino at ang pananampalataya natin sa iisang Diyos ni Abraham. Hindi mamamatay ang bayanihan at damayan. Lalong hindi mamamatay ang pananampalataya natin sa Diyos na may kapangyarihang biguin ang anumang balakin ng mga nagsama-samang pwersa sa ating lipunan. Kapag ang Diyos ang kumilos, walang magagawa ang sinuman.

Maaaring mawala sa kalendaryo ang pagdiriwang ng EDSA People’s Power Revolution, ngunit ang diwa ng EDSA ay hindi mamamatay magpakailanman, sapagkat ito’y malalim na nakaukit sa puso’t diwa ng mga Pilipinong nagmamahal sa Pilipinas!   

EDSA

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with