Vlogger sa China, sumubok kumain ng buhay na pugita sa harap ng camera!

SA panahon ngayon kung saan mahigpit na ang kumpetensiya sa larangan ng vlogging, may ilang vloggers na gagawin ang lahat makagawa lang ng video content na magbibigay sa kanila nang maraming views.

Tulad na lamang ng vlogger sa China na may username na “Seaside Girl Little Seven” kung saan ay sinubukan niyang kumain ng buhay na pugita sa harap ng camera para makakuha nang maraming views.

Ngunit sa kasamaang pa­lad, imbes na siya ang kumain sa pugita, ang pugita ang halos kumain sa kanyang mukha!

Sa simula ng video, makikita na nakadikit na ang galamay ng pugita sa kanyang mukha. Nagbiro pa siya na ang lakas humigop ng suckers nito o yung mga bilug-bilog sa galamay ng pugita.

Nang ma-realize niya na hindi niya matanggal sa kanyang mukha ang mga suckers sumigaw na siya sa harap ng camera na sobrang sakit ng paghigop nito sa kanyang pisngi.

Nang matanggal na niya ito sa kanyang mukha, kitang-kita sa video na may natuklap na piraso ng balat sa kanyang pisngi. Tinapos niya ang kanyang vlog sa pangakong sa susunod na video upload na lamang niya kakainin ang pugita.

Naging viral ang video sa China ngunit mga negatibong komento ang natanggap ng vlogger at tingin ng karamihan ay karapat-dapat lamang ang nangyari sa kanya.

Sa ibang bahagi ng Asya, pangkaraniwan at itinutu­ring bilang delicacy ang pagkain ng buhay na pugita. Sa South Korea, may mga ulat na ilan sa sumusubok nito ay namamatay dahil sa suffocation.

Sa kasalukuyan, mayroong milyun-milyong views ang vlog na ito ni “Seaside Girl Little Seven” at umabot na sa labas ng China ang viral na video na ito.

 

Show comments