_pang-masa
^

Punto Mo

Alalahanin, mamamatay ka rin!

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MEMENTO mori, ito’y isang katagang Latin na nanga­ngahulugang, “alalahanin mo, mamamatay ka rin.” Middle Ages pa ay laganap na ang kasabihan kung kaya’t ito’y karaniwang nakaukit sa lapida ng mga nitso noon. Sa palagay ko, ngayon ang panahon na ito’y lutang na lutang sa ating kamalayan.  Araw-araw, may kakilala, kaeskuwela, kapitbahay, kaibigan o kamag-anak tayo na namamatay dahil sa COVID-19.  Hindi malayong naitanong na natin sa ating sarili, “ako kaya kailan?”

Napaka-morbid naman daw kung laging iisipin ng isang tao na maaari siyang mamatay anumang oras, lalo na sa panahong ito ng pandemya.  Pero sa halip na maging morbid, makatutulong nang malaki sa pagbuti ng ating pagkatao kung ang memento mori ay gagawin nating pilosopiya o gabay sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Bakit?

Una, ang memento mori ay nagpapaalala sa atin na may hangganan ang buhay. Gaano man tayo kahusay, mamamatay pa rin tayo kaya’t kailangang manatiling mababa ang loob. Noong ancient Rome, ang isang heneral na nagwagi sa isang giyera kung saan ang kanyang hukbo ay nakapatay ng limang libo o higit pang kaaway, ay ipinagbubunyi ng libu-libong mamamayan sa pamamagitan ng isang magarbong parade. Bidang-BIDA rito ang heneral na nakasakay sa isang marangyang karwahe na hinihila ng apat na kabayo. Upang hindi lumaki ang ulo ng heneral at isiping siya’y isang diyos, isang alipin ang tumatabi sa heneral na may iisang tungkulin, ang ibulong sa kanya ang katagang memento mori.

Ikalawa, ang memento mori ay nagpapaalala sa atin na kailangang gawin nating lagi kung ano ang pinakamabuti, sapagkat maaari tayong mamatay anumang oras. Hindi na puwede ang puwede na. Lagi nating hahangarin ang excellence. Ang isang taong naniniwalang siya’y mamamatay na ay magsasabi ng totoo, magiging tapat sa lahat ng bagay, hindi na gagawa ng masama, makikipagkasundo sa kanyang mga kagalit, mamahalin nang todo ang kanyang pamilya.

Ikatlo, ang memento mori ay nagpapaalala sa atin na iiwan lang natin ang lahat ng ating ari-arian dito sa lupa, kaya hindi ang pagyaman ang dapat na maging hangarin ng buhay.  Hindi ito ang dapat humubog sa ating pagkatao. Sabi ni Hesus sa Lucas 12:15, “Ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.” Ngayon ay napatunayan natin na hindi naman pala natin kailangan ang napakaraming damit at sapatos, ang napakalaking bahay, ang napakaraming sasakyan. Higit na mahalaga kaysa mga materyal na bagay ang tamang relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa sarili, at maging sa kalikasan. Kung ang memento mori ang ating magiging pilosopiya, hindi tayo magsasamantala ng kapwa para lamang yumaman, hindi tayo magiging kapit-tuko sa kapangyarihan.    

Ganito ang sabi sa Hebreo 9:27, “Itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” Dapat nating laging alalahanin na tayo’y mamamatay. Pero may isa pang dapat lagi nating alalahanin — pagkatapos ng kamatayan, haharap tayo sa Diyos upang hukuman ang ating mga ginawa, lalo na sa ating kapwa na nangangailangan. Sabi sa 2 Corinto 5:10, “Sapagkat tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Hesus, upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya habang nasa katawan, mabuti man o masama.”

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with