Bawiin na habang maaga!
May 11 local cases na ng Delta variant ang natukoy sa Pinas.
Dalawa na rin ang iniulat na nasawi, isa rito ay sa NCR.
Lumilikha ito ng takot sa marami nating kababayan, dahil nga sa bukod sa mas madaling makahawa ang nasabing variant, mas delikado ito at nakakamatay.
Ito ngayon ang nakakaalarma dahil nangyari ang pagkatukoy matapos naman na magkaroon nang kaluwagan sa maraming panig ng bansa.
Ang NCR nasa regular ng general community quarantine na.
Nauna na ring pinayagan ng IATF ag pagpapalabas sa mga batang may edad 5-anyos pataas.
Bagama’t nauna na nating nabanggit sa kolum na ito na makakatulong ng malaki sa mental at physical health ng mga bata ang pagpayag ng pamahalaan na makalabas sila matapos ang mahabang panahon na pagkabinbin sa loob ng kanilang bahay, pero teka mukhang iba ang sitwasyon ngayon.
Dapat marahil na mapag-aralan kung kailangan ba itong bawiin sa lalong madaling panahon para na rin sa kani-kanilang kaligtasan, hindi lang sa banta ng Delta variant kundi maging sa iba pang variant na minomonitor pa sa bansa.
Bukas naman ang DOH at maging ang LGUs partikular sa Metro Manila na mapag-aralan ang patakarang ito.
Sana nga ay agad itong maaksiyunan para lalo nating mabantayan ang kaso ng hawaan.
‘Wag nawang mangyari na matulad tayo sa sa ilang kalapit bansa na matindi ang pagtaas ng kaso ng COVID at ngayon ay epicenter na ng virus.
Dapat na ngayon pa lang ay makontrol na ang paglaganap nito dahil baka na naman bumalik tayo sa mas mahigpit na quarantine na lubhang hindi na kakayanin ng ekonomiya at maging ng mga indibiduwal na ngayon pa lamang nakakabalik sa kanilang mga trabaho at pinagkakakitaan.
Kilos na nang maaga nang walang maging sisihan sa huli.
- Latest