CPP-NPA leaders, bakasyunista sa Metro!

WALA na sa mga bundok ang mga lider ng New People’s Army (NPA) kundi dito na sila nagbabakasyon sa Metro Manila. Kung sabagay, kung mismong si CPP founder Jose Ma. Sison ay nagpapalamig at nagpapasarap lang sa abroad gamit ang revolutionary tax na nakolekta ng samahan, may karapatan ding gumaya sa kanya ang mga lider ng NPA. ‘Ika nga, follow the leader! Araguuyyyyyyy!

Sa panahon ng pandemya, delikado ang buhay ng mga lider ng CPP-NPA sa bundok at kapag tinamaan sila ng COVID, abaaa malayo sila sa ospital. Subalit sa Metro Manila, medyo panatag ang loob nila dahil mabilis silang maitakbo sa malapit na ospital at mapalayo sa disgrasya, di ba mga kosa?

Kaya lang, imbes na magliwaliw o magsaya sa Metro itong sina Julieta Gomez alyas Tina, 39, at Niezel Velasco, alyas Mary Jane, 39, aba nalambat sila ng magkasanib na puwersa ng militar at pulisya. Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar, na malaking dagok sa kilusan ng CPP-NPA ang pagkahuli kina Gomez at Velasco.

Iginiit ni Eleazar na ang pagkahuli kina Gomez at Velasco ay produkto ng COPLAN “Tina” na aprubado ni PRO13 RD Brig. Gen. Romeo Caramat at na-validate ng National Special Projects Review Board at Directorate for Intelligence director Maj. Gen. Dennis Agustin. Dipugaaaaaaa! 

Sinabi ni Eleazar na si Gomez ang secretary ng Regional Urban Committee, deputy secretary ng Regional White Area Committee, at miyembro ng Regional Tax Implementing Group at North Eastern Mindanao Regional Party Committee (NEMRPC). Si Gomez ay may kinakaharap ng mga kasong murder at attempted murder, paglabag ng International Humanitarian Law at attempted homicide.

Ayon kay Caramat, si Gomez ay nakalistang No. 2 most wanted person sa Caraga Region. Samantala si Velasco ay ang liaison offier ng NEMRPC ay may hinaharap ding samu’t saring kaso. Sinabi ni Caramat na ang NEMRPC ay responsable sa sunud-sunod na arson at sabotage incidents na ang target ay industries at infrastructure sa Caraga region na ayaw magbigay ng revolutionary tax. Dipugaaaaaa!

Hindi nakapanlaban sina Gomez at Velasco nang salakayin ng tropa ng military at pulisya sa pamumuno ni Col. Rogarth Campo, ang hepe ng CIDG NCR ang kanilang safehouse sa Quezon City noong Biyernes. Nakumpiska sa kanila ang isang 9mm Parabellum, 10 rifle barrel; 8 subversive documents, NPA flag, 1,000 ammo for caliber 7.62, dalawang granada at assorted parts ng baril.

Ayon kay PNP spokesman Brig. Gen. Ronnie Olay ang inventory ng mga ebidensiya ay nasaksihan nina Chairman Joseph Mahusay at tanod Zane Cesar ng Bgy. Pansol. Sinabi ni CIDG director Maj. Gen. Albert Ignatius Ferro na nanatiling tahimik sina Gomez at Velasco habang nakapiit sa Camp Crame. Anila, ang abogado na nila ang bahalang magdepensa sa kanila. Dipugaaaaaa!

Ayon kay Campo matagal ng tinugaygayan ng mga tropa ni Caramat itong sina Gomez at Velasco hindi lamang nagpapalamig sa Metro kundi tagabili din sila ng spare parts ng baril para sa mga kasamahan nila. Marami pang kasunod na trabaho laban sa CPP-NPA itong tropa n’ya, ani Campo. Dipugaaaaa! Abangan!

Show comments