_pang-masa
^

Punto Mo

Ang mga tunay na lalaki

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NARITO ang isang magandang bunga ng COVID-19 pandemic — nadagdagan ng tatlong oras ang ginugugol ng mga kalalakihan sa mga gawaing-bahay, kasama na ang pag-aalaga sa mga bata. Noong 2017, ang average ay limang oras lamang, pero ngayon ay walong oras na. Ito’y base sa pinakahuling survey na ginawa ng Oxfam Philippines.

Gayunman, nananatili pa ring mas mahaba ang oras na ginugugol ng mga kababaihan sa mga gawaing-bahay at pag-aalaga sa mga bata — 13 oras, kumpara sa 12 oras na average noong 2017. Dati nang mahaba ay nadagdagan pa ng isang oras. Hindi kaya ‘yong nadagdag na isang oras ay para ayusin ang ginawa ng mga lalaki?

Para sa akin, magandang balita ito, bagamat napakalayo pa ng agwat, limang oras pa na mas mahaba ang ipinaglilingkod ng mga kababaihan. Hindi madaling buwagin ang tinatawag na “sex role” sa ating kultura, kung saan ang gawaing-bahay at pag-aalaga sa mga bata ay itinuturing na pambabaeng gawain. Inabutan ko pa ang librong “Pepe at Pilar” kung saan ay ganito ang karaniwang paglalarawan sa mga aktibidad sa loob ng pamilya: Si Tatay, nagbabasa ng diaryo; si Nanay, nagluluto. Si Pepe, naglalaro ng basketball; si Pilar, naghuhugas ng pinggan. Nakalulungkot na nagpatuloy ang ganitong “stereotype” hanggang sa ating panahon.

Ang isang modelong tahanan ay isang lugar na walang trabahong panglalaki o pambabae, kung saan ay magkatuwang ang babae at lalaki sa lahat ng gawaing-bahay. Hindi lamang si Mommy ang naghehele kay baby, pati na si Daddy. Ang paglalaba, pamamalantsa o pagluluto ay hindi nakakabawas sa pagkalalaki ng isang lalaki. Ang pagkakarpinterya o pag-aayos ng nasirang gripo ay hindi nakakabawas sa pagkababae ng isang babae.

Mahalagang ang prinsipyo ng “equality” ay magsimula sa tahanan. Charity begins at home. Ang pagkakapantay-pantay na ipinangaral at isinulong ni Hesus ay dapat umiral sa bawat sulok ng lipunan. Ganito ang nasusulat sa Galacia 3:28, “Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae — kayong lahat ay iisa dahil sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.” Ang isang tunay na tagasunod ni Hesus ay laging nagpapahalaga at nagsasabuhay ng pagkakapantay-pantay.

Matutuwa ako kung sa mga susunod na survey ay magkakapantay na ang oras na ginugugol ng lalaki at babae sa mga gawaing-bahay at pag-aalaga sa mga bata. Ito ang isang bagay na naghihiwalay sa tao sa mga hayop bilang nilikhang kawangis ng Diyos. Nakakita ka na ba ng lalaking aso na nag-aalaga ng mga tuta? O ng tandang na ipinapasyal ang mga sisiw? Ganyan sa daigdig ng mga hayop. Pero iba sa daigdig ng mga tao, sapagkat tayo’y nilikha ng Diyos na magkakapantay.

Sa Kongreso, may mga nakahaing panukalang-batas na habaan ang paternity leave ng mga tatay sa layuning matulungan ang nanganak nilang misis sa pag-aalaga ng sanggol at iba pang gawaing-bahay. Maganda ang layunin ng mga panukalang-batas na ito, ngunit ang mas kailangan natin ay ang pagbabago ng pananaw o “mindset” ng mga kalalakihan. Ang tunay at pangmatagalang pagbabago ay nagmumula sa bukal ng kalooban, sa halip na ipinipilit mula sa labas.

Ito na ang panahon na dapat ay tawagin ang mga tatay na masayang gumagawa ng mga gawaing-bahay at nag-aalaga sa mga bata na mga tunay na lalaki.

 

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with