_pang-masa
^

Punto Mo

Bakuna laban sa virus nang masamang halimbawa

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

INULAN na naman ng batikos ang Department of Education (DepEd) dahil sa natuklasang malaswang salita sa mga learning materials na ginagamit ng mga estudyante sa distance learning system. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakatuklas ng malaswang salita o maling impormasyon sa mga materyales sa pag-aaral na gawa ng DepEd.

Ilang beses na itong nangyari sa nakaraan at siguradong mangyayari ulit kung hindi magpapatupad ng mahigpit na sistema ng pagsusuri. Nakapagtataka kung bakit nakakalusot ang mga ganitong pagkakamali, gayong gumagastos nang malaki ang gobyerno sa pagpapalimbag ng mga materyales sa pag-aaral.  Dapat ay hindi nagkukulang ang DepEd sa magagaling na mananaliksik at manunulat.

Mahalaga ang ipinapasok na impormasyon sa isip ng isang bata sapagkat ito ang huhubog sa kanyang paniniwala na siya namang magdidikta sa kanyang mga pagkilos. Dapat tiyakin ng gobyerno na bawat itinuturo sa bata ay hindi lamang tama at wasto, kundi makabuluhan at makahulugan. Hindi lamang dapat maging marunong ang bata, kundi matalino.  Ang karunungan ay ang pagkaalam sa mga bagay-bagay, samantalang ang katalinuhan ay ang kahusayang iaplay ang mga nalalaman para sa kabutihan ng kapwa.

Mahalaga ang papel ng DepEd sa edukasyon ng mga batang Pilipino. Pero hindi solo ng DepEd ang pananagutang ito. May matandang salawikain ang mga Africano na nagsasabi, “Buong kanayunan ang kailangan upang mapalaki ang isang bata.” Marami sa natututuhan ng isang bata ay mula sa mga nakatatanda sa kanyang paligid. Saan ba posibleng natutuhan ng isang bata ang pagmumura kundi sa kanyang nanay na inaalmusal ang pagmumura? Saan ba posibleng natutuhan ng isang bata ang pagsisinungaling kundi sa kanyang tatay na nuno ng sinungaling?  Saan ba posibleng natutuhan ng isang bata ang pagnanakaw kundi sa naririnig niyang pagnanakaw ng matataas na opisyales ng gobyerno?

Mula sa masamang halimbawa ng nakatatanda natututuhan ng isang bata ang pakikipag-away gayong natural sa kanya ang pakikipagkaibigan; ang pagiging maramot, gayong natural sa kanya ang pagiging mapagbigay; ang pagiging mapaghigante gayong natural sa kanya ang pagpapatawad. Kung maraming mali ang DepEd sa kanyang itinuturo sa mga batang Pilipino, mas lalo naman tayo!

Nakasaad sa Kawikaan 22:6, “Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki’y di niya ito malilimutan.” Lahat tayo’y dapat maging tagapagturo ng mga tamang turo sa mga bata.  Kung ano ang magiging pagkatao ng susunod na henerasyon ay depende sa matututuhan mula sa atin ng mga bata sa kasalukuyan. 

Bakit grabe ang katiwalian dito sa atin ngayon?  Dahil ba ito ang natutuhan natin mula sa mga nakatatanda sa atin?  Gusto ba nating isang tiwaling bansa ang ipamamana natin sa ating mga anak at sa mga anak ng ating mga anak?

Sa totoo lang, ang masamang halimbawa ay mas mapanganib na virus kaysa COVID-19.  Ang coronavirus ay sumisira sa katawan, ngunit ang virus ng masamang halimbawa ay sumisira sa kaluluwa.  Kung ang virus ng masamang halimbawa ay magmumula sa matataas na opisyales ng gobyerno, simbahan, at negosyo, mas malaki ang kanilang magiging pananagutan hindi lamang sa sangkatauhan kundi maging sa Manlilikha.

Ngayon na ang panahon para isulong ang bakuna laban sa virus nang masamang halimbawa. Ang pagsugpo rito ang tanging pag-asa ng susunod na henerasyon!

VIRUS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with