^

Punto Mo

Social media post ng mga nagpabakuna nakakatulong?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

KAPANSIN-PANSIN ang gawi ng ilang mga Pilipinong nagpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 na litratuhan ang kanilang sarili habang tinuturukan ng bakuna at kinalaunan ay ipoposte nila ang kanilang litratong ito sa social media lalo na sa Facebook. Kitang-kita pa ang maliit na bulak na nakatapal sa bahagi ng kanilang braso na ininiksiyunan. Meron pa nga sa kanila na binabanggit sa kanilang post kung anong bakuna ang kanilang tinanggap kung Sinovac ba o Astrazeneca halimbawa.

Sa naturang mga poste, siyempre, may mga like at comment na  binabati ang mga nagpabakuna dahil hindi na sila tatablan ng COVID-19 at mapapawi ang pangamba ng kanilang mga kaanak at kakilala at kaibigan hinggil sa kanilang kalusugan. Meron ding mga overseas Filipino worker at mga Pilipinong permanente nang naninirahan sa ibang bansa ang nagpoposte sa Facebook ng kanilang litrato habang binabakunahan sila.

Maaaring, dahil nakasanayan na nang marami sa atin na litratuhan ang sarili o mag-selfie sa anumang ginagawa nila, hindi kataka-takang litratuhan din nila ang kanilang sarili habang nagpapabakuna. Parang trending kasi. Nauuso. Puwedeng katuwaan. Pero, sa kabilang dako, maaaring intensiyon din nilang makahikayat sa ibang mga tao lalo na sa kanilang mga kaanak o kaibigan na magpaturok din laban sa COVID-19.

Masasabi ring nakakatulong din ang mga posteng ito sa programa ng pamahalaan sa bakuna para mahimok ang mas marami pang mga Pilipino na magpaturok. Tinatarget pa naman ng pamahalaan na maturukan ang 50 hanggang 70 milyong Pilipino para maabot ang tinatawag na herd immunity para makabalik na tayo sa dating normal na buhay. Dapat din siguro pasalamatan ng pamahalaan ang mga netizen sa pagpoposte ng litrato ng kanilang pagpapabakuna dahil kahit paano marahil ay nakakatulong ito para makumbinsi ang iba pang mga Pilipino na magpabakuna.

Sa isa ngang survey ng Social Weather Station na lumabas noong nakaraang buwan,  lumitaw na 32 porsiyento lang ng adult Filipinos ang gustong magpabakuna laban sa COVID-19 samantalang 33 porsiyento naman ng adult Filipinos ang tumatangging magpabakuna.

Gayunman, napaulat na, bago natapos ang nakaraang buwan ng Mayo, umabot na sa 1,189,353 Pilipino ang nabakunahan bagaman sobrang layo pa nito sa target na 50 hanggang 70 milyon. Nagsimula noong Marso ng taon ding ito ang programa sa bakuna.

Kulang pa rin kasi sa suplay ng bakuna na nakakapagpabagal sa programa bukod pa sa maram pa ring mga Pilipino ang atubiling magpabakuna sa iba’t-ibang kadahilanan na isa na rito ay ang side effect ng bakuna.  Lumitaw na nga sa ilang survey ang pagtanggi o pag-aagam-agam ng marami nating kababayan dito. Meron pang survey na nagpapakita na mas maraming Pilipino ang mas pabor sa mga bakuna na galing sa United States, England, o Germany o sa Russia  kaysa mga gawa ng China. Pero, batay na nga sa sinasabi ng mga health expert, ang bakuna ang isa  sa mahalaga at epektibong paraan para mapigilan ang pandemya na mahigit isang taon nang gumulo sa ating pamumuhay.

Kaya, hindi man namamalayan ng mga nagpabakuna sa kanilang pagse-‘selfie’, maaaring may positibo itong epekto sa pagkumbinsi sa iba pang mga Pilipino na magpabakuna na rin.

Email: [email protected]

vuukle comment

SOCIAL MEDIA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with