Lie detector test, umpisa na!

MAG-IISANG linggo na ang BITAG Investigative Team sa Pagadian City. Tuluy-tuloy pa rin ang imbestigasyon at pagkalap ng ebidensiya ng aming grupo na may kinalaman sa sumbong laban sa doctor at serbisyo ng Zamboanga del Sur Medical Center.

Noong Huwebes, pormal nang nagsampa ng reklamo ang mag-asawang Rommel Aguilar at Jenevie Castillo sa National Bureau of Investigation-District Office sa Pagadian. Inabot ng hanggang alas-dose ng madaling araw ang pagkuha sa statement ni Rommel.

Sa umpisa, naging malamig ang pagtrato ng NBI-Pagadian sa BITAG at sa mga nagrereklamo. Hindi pa man naririnig ng ahente ang istorya o reklamo ng mag-asawa, nagsalita na ito agad na hindi nila matatanggap ang reklamo dahil out of jurisdiction ito.

Matapos ko silang makausap mula sa Maynila, maayos namang nakipagtulungan ang ahensiya. Madaling araw na natapos na makuhanan ng salaysay ang mga nagrereklamo.

Habang sinusulat ang kolum na ito, nasa Pagadian na ang polygraph machine at examiner ng Truth Verifier.

Seryoso ang BITAG sa aming imbestigasyon kaya mula pa sa Metro Manila ay lumipad ang Truth Verifier papuntang Pagadian City.

Unang sasalang sa lie detector test ang mister na nagreklamo sa BITAG- si Rommel. Isusunod ang kanyang kinakasama at naging pasyente ng ospital na si Jenevie.

Dito magkakaalaman kung may katotohanan ang mga sumbong ni Rommel sa BITAG at kung totoong sinapit nilang mag-asawa ang di-magandang pagtrato at tamang serbisyo ng ospital.

Samantala, tumangging sumailalim sa polygraph test ang inirereklamong pulis-Pagadian na si Cpl. Welito Nuena.

Bagamat buo at seryoso ang suporta sa imbestigasyong ito ni PNP-Pagadian City Chief of Police Lt. Col Parson Asadil, hindi magagawang pilitin si Nuena dahil karapatan niyang tumanggi na sumailalim sa polygraph test. 

Ganunpaman, tuloy ang imbestigasyon ng Provincial Internal Affairs Service (PIAS) sa pulis na si Nuena. Kasalukuyang nasa tanggapan ni Asadil ang mga imbestigador nito.

Hinihintay pa ng BITAG ang kasagutan ng mga doktor at medical staff ng Zamboanga del Sur Medical Center na nasangkot sa reklamong ito. Papayag kaya sila sumailalim sa prosesong ito?

Hindi intensiyon ng BITAG na manira ng pagkatao ng sinuman na nasangkot sa reklamong ito. Wala rin kaming pakialam sa usaping pulitika sa Zamboanga del Sur.

Kami ang nilapitan ng mga bilktima at umaaksiyon lamang ang BITAG sa abot ng aming makakaya. Ang tanging layunin ng BITAG ay lumabas ang katotohanan.

Bagamat tinaguan at patuloy na iniiwasan ang BITAG ng mga inirereklamo, tinanggap namin ang hamon na mag-imbestiga mismo sa Pagadian City.

Kahit na nagtatago sila at ayaw sagutin ang mga alegasyon, tatapusin ng BITAG ang imbestigasyong ito para maipakita ang magkabilang panig.

Show comments