Donation box

MALALIM na ang gabi pero gising pa rin ang pari dahil may binabasa pa rin siya sa Bibliya na gagamitin niya sa misa kinabukasan. Noong una ay hindi niya pinapansin ang kaluskos na naririnig  pero palakas ito nang palakas kaya lumabas siya sa reading room at pumunta sa mismong chapel. Malakas ang kutob niya na doon nanggagaling ang kaluskos.

Nagkagulatan ang pari at ang binatilyong naabutan niyang dinidistrunka ang lock ng donation box.

Payat ang binatilyo at namumutla. Ang nanginginig nitong kamay na humahawak sa mahaba at matulis na kutsilyo ay iniamba sa pari. Napaurong ang pari. Nabigla man ay nakapagsalita pa rin ito nang malumanay.

“Okey, narito ang susi ng donation box at kuhanin mo ang lahat ng perang kaya mong dalhin. Ipinamimigay talaga namin iyan sa mga nangangailangan.”

Walang imik ang binatilyo na dali-daling nilimas ang laman ng donation box. Nang matapos ay nagsalita ulit ang pari.

“Mukhang namumutla ka sa gutom, may mga pagkain ako sa kusina. Puwede kong ibigay iyon sa iyo.”

Inginuso ng binatilyo na dalhin siya sa kusina habang nakatutok pa rin sa pari ang mahabang kutsilyo. Mga prutas at lutong pagkain na nasa plastic container ang binitbit ng lalaki. Nawala itong parang bula paglabas ng kumbento.

Pagkaraan nang maraming taon, kinailangang magretiro ng pari sa kanyang parishioner dahil matanda na ito at sakitin. Pinalitan siya ng mas batang pari. Ilang araw pa lang nagkakasama sa kumbento ay naging malapit kaagad ang nakababatang pari sa matanda.

“Matanda na ako at makakalimutin, pero may pakiramdam akong nagkita na tayo noong araw.”

“Father, ako ang binatilyong nagnakaw ng pera sa donation box at nag-take home pa ng pagkain mula sa iyong kusina. Sa isa kong pagnanakaw, ako ay nahuli at ikinulong ng ilang taon. Doon ko po nakilala ang isang mabait na prison chaplain na nag-akay sa akin tungo sa pagbabago ng aking buhay.”

Napatitig ang pari sa mukha ng nakababatang pari at saka ngumiti.

“Noon pa man ay nakikita ko sa iyong mukha, na hindi ka talamak na magnanakaw. Nagugutom ka lamang kaya mo naisipang magnakaw. Kung totoong magnanakaw ka, ang gintong korona ng mga santo ang iyong pupuntiryahin at hindi ang mga baryang nasa donation box. Nakita ko sa iyong mga mata ang kasabikan  nang ialok ko sa iyo ang pagkain sa kusina”.

“Alam mo po ba na ikaw ang aking inspirasyon kaya ako naging pari? Ikaw ang pinakaunang tao na nagpakita sa akin ng kakaibang kabaitan sa kabila ng may nakatutok sa iyong kutsilyo. Ang eksenang iyon ang laging naglalaro sa aking isipan para pangarapin ko na maging pari na kasing buti mo.”

“Kindness, it costs nothing, but means everything.” – Unknown

Show comments