Kapasidad ng battery tinitingnan din sa pagbili ng smartphone

ISA sa mga mahahalagang specs (specification) na mahalagang tingnan kapag bibili ng smartphone/cell phone ay ang kapasidad ng baterya nito na tinatawag na mAh na pinaikling salitang  “milliampere hour” (pansinin na ang ‘A’ ay laging nasa malaking titik dahil kinakatawan nito ang ampere).  Isa itong paraan ng pagpapakita sa electrical capacity ng maliliit na baterya.

Matatantiya rin dito kung gaano o ilang oras ang itatagal ng baterya bago ito muling i-recharge. Paliwanag din  kung bakit may mga baterya ng cell phone na mabilis maubos ang power o mag-“lobat” nang wala pang  isang oras na gamitan lalo na kung mas mababa sa 3000 mAh  ang kapasidad nito at maraming ginagawa sa cell phone tulad ng paglalaro ng games o panonood ng video o matagal na tawagan  na mabilis makaubos ng power ng baterya.

Sinasabi nga ng ilang marunong sa teknolohiya  na mas mainam kung hahanapin ay ang smartphone na ang baterya ay  merong 4000 mAh para mas matagal ang buhay. Mas malamang nga lang na mas mataas ang presyo  ng mga ganitong cell phone.

Kamakailan lang, lumabas sa isang wire report ang  hinggil sa ranking na ibinigay ng DXOMARK Laboratory sa ilang magagaling na mga smartphone batteries. Ang DXOMARK ay isang commercial website na nakabase sa France at siyentipikong nagsusuri sa mga smartphone, lenses at cameras. Sa naturang ranking, itinampok ang mga smartphone na pinakamatagal ang buhay at pinakamabilis mag-charge.

Isang brand ng smartphone  na hindi ko na babanggitin ang pangalan ang numero uno sa ranking dahil sa mahusay na trabaho ng baterya nito.  Tumatagal ang power ng kanyang baterya nang mahigit tatlong araw  sa karaniwang paggamit ng cell phone at halos ganap na dalawang araw sa matinding paggamit nito. Meron itong 7000 mAh battery na namukod-tangi sa kompetiston pagdating sa autonomy at efficiency. Umaabot naman sa dalawang oras at 30 minuto bago makumpleto ang charging nito pero baka mas mataas pa sa 88 ang nakuha nitongn score kung mas mabilis pa ang charging nito.

Ang iba sa 10 smartphone na kasama sa ranking ay merong dalawang araw na kapasidad ang baterya pero mabilis ang charging bagaman meron ding mababagal ang charging.

Posible ring kuwestiyunin ng iba ang ranking na ginawa ng DXOMARK Lab o baka kailangan ng ibanng hiwalay na siyentipikong pagsusuri sa mga baterya ng mga smartphone.

Gayunman, hindi lang naman ang mAh ang dapat tinitignan sa kapasidad ng baterya. Depende rin kasi sa gumagamit nito. Nariyan din ang kung paano at saan ginagamit ang smartphone at gaano kadalas o katagal gamitin. May mga apps o program din  na malakas makaubos ng power ng baterya. Malakas ding kumain ng enerhiya ng baterya ang mga computer games at video at music. Maging ang wifi o internet ay mabilis ding makapag-lowbat ng baterya.

Karamihan pa naman ngayon ng smartphone ay inboard o permanente nang nakakabit sa loob nito ang baterya kaya hindi ito mapalitan. Kaya ipinapayo ng mga techies na bawasan o tanggalin ang mga apps na hindi kailangan  o madalang gamiti at  patayin ang wifi at blutooth kapag hindi kailangan. Maaari rin namang magdala lagi ng power bank para ma-recharge ang smartphone habang nasa sitwasyon na walang masasaksakang regular outlet at kailangang gamitin nang matagal ang telepono.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments