_pang-masa
^

Punto Mo

Wanted: Mga lider na nakapagbibigay-inspirasyon

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

INSPIRASYON – Ito ang proseso ng pag-antig sa isip at damdamin ng isang tao upang gumawa ng isang malikhaing bagay tungo sa katuparan ng isang layunin. Kamakailan lamang, naantig ang isip at damdamin ng buong bansa dahil sa inilunsad na community pantry ng isang 26-anyos na babae na nagnga-ngalang Patreng. Sa community pantry, puwedeng magbigay at kumuha ng pagkain na ang tanging regulasyon ay ito, “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha ayon sa pangangailangan.” Kung ito lamang ang magiging kalakaran, magiging sapat ang pagkain para sa lahat sa panahon ng kagipitan.

Kagulat-gulat ang sumunod na pangyayari.  Sa loob lamang ng isang linggo, halos 400 community pantries ang nagsulputan sa iba’t ibang panig ng bansa. Dumagsa ang nagbibigay ng pagkain na karamihan ay mga ordinaryong mamamayan lamang. Biglang nabuhay ang diwa ng bayanihan at damayan na magandang tatak ng lahing Pilipino. Siyempre, lalong dumagsa ang kumukuha ng pagkain na nagpapakitang napakaraming Pilipino ang talagang wala nang makain.

Nakapagbigay-inspirasyon ang konsepto ng community pantry sa ibang bansa. May duma-ting na mga donasyon mula sa US. Tinularan na ito ng Timor Leste at inaasahang marami pang bansa ang maaakit ng konsepto, kung paanong ang makasaysayang People’s Power Revolution noong 1986 ay tinularan ng ibang bansa.  Ito ang kapangyarihan ng inspirasyon.

Ang nakalulungkot, may mga tao ng gobyerno na sa halip na hangaan at papurihan ang community pantry ay binansagan pa itong pakulo lamang ng mga makakaliwa, at si Patreng mismo’y makakaliwa. May nagsabi pa na ang ginawa ni Patreng ay maihahambing sa pagbibigay ni Satanas ng mansanas kay Eba. Kung ang community pantry ay nakapagbibigay-inspirasyon, ang ganitong pag-uugali ng nasa gobyerno ay nakapanlulumo, kundi man nakapagpapagalit.

Kung mayroon mang dapat makapagbigay sa atin ng inspirasyon sa panahon ng matinding kagipitan, ito’y ang mga lider ng gobyerno. Sa pamamagitan ng kanilang inspirasyon, makakaya natin ang pinakamabigat mang dalahin, mapagtatagumpayan natin ang pinakamabigat mang pagsubok. Mas marami pa rin naman sa rank-and-file ng gobyerno ang nakapagbibigay-inspirasyon. Sa kabilang dako, marami ring matataas na lider ng gobyerno ang sa halip na maging inspirasyon ay nagiging kunsumisyon. Siyempre, mas tumataas ang posisyon, mas tumataas ang inaasahan. Mismong si Hesus ay nagsabi ng ganito sa Lucas 12:48, “Ang binigyan nang maraming bagay ay hahanapan nang maraming bagay, at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay.”

Para sa akin, may mas malala tayong kakulangan kaysa kakulangan ng resources, ito’y ang kakulangan ng inspirasyon mula sa ating matataas na lider. May mas malala tayong problema kaysa pagdami ng kaso ng COVID-19, ito’y ang pagkaunti ng bilang ng mga lider na nakapagbibigay-inspirasyon.

Bakit daig tayo ng mga bansang mas mahirap kaysa atin sa paglaban sa COVID-19 pandemic, tulad na lamang ng Vietnam? Sapagkat ang matataas nilang lider ay nakapagpapalakas ng kanilang loob, nakaaantig sa kanilang isip at damdamin na gumawa ng mga malikhaing hakbang upang makiisa sa laban ng gobyerno. Ito ang kapangyarihan ng inspirasyon na mas malakas, mas epektibo kaysa kapangyarihan ng pananakot. 

Marami rin tayong kababayang walang disiplina at matigas ang ulo. Totoong nakapagdaragdag sila sa ating problema. Ngunit ang higit na nakapagdaragdag sa ating mga problema at umaagaw sa ating kapanatagan at pag-asa ay ang matataas na lider na walang naibibigay sa ating inspirasyon. 

COMMUNITY PANTRY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with