^

Punto Mo

Kakaibang Eba (44)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

PATULOY sa masayang pagkukuwentuhan sina Piolo at Jigo habang kumakain. Sabik na sabik sila pagbabalik sa kanilang nakaraan noong nasa elementarya pa lamang sila. Mula Grade 1 hanggang Grade 6 ay magkaklase sila sa isang pribadong eskuwelahan na itinayo pa raw ng mga Kastila. Sa loob ng compound ng school ay mayroong mala-king puno ng balete.

“Naalala ko na madalas tayong umakyat sa punong balete, Jigo. Di ba mayroon pang nakalawit na bagin sa balete at dun tayo bumibitin na parang si Tarzan, ha-ha-ha!’’

“Hindi ko malilimutan ‘yun Piolo. Maraming beses akong lumagpak sa lupa dahil nakakabitiw ako sa bagin. Laging namamaga ang puwit ko dahil sa paglagpak. Minsan napunit ang shorts ko at pinagtawanan ako ng mga kaklase natin.’’

“Natatandaan ko yun, Jigo. Sabi mo pina-galitan ka ng mama mo dahil dun.’’
“Oo. Sabi ni Mama tigilan ko na raw ang paglalaro sa balete at baka kung ano ang mangyari sa akin. Mayroon daw namamahay na engkanto sa balete. Yun pala e tinatakot lamang ako    ni Mama.’’

“Maski si Mama ay ‘yan din ang sabi sa akin, Jigo. Huwag daw akong maglaro sa punong balete dahil baka magalit ang nakatirang engkanto.’’

‘‘Pero wala naman tayong napansing kakaiba matapos maglaro ‘di ba, Piolo? Wala namang nangyari sa atin.’’

“Pero nabalitaan mo ba ‘yung nangyari sa isa nating teacher na lalaki – si Mr. Felipe? Ilang araw siyang nawala at alam mo kung saan natagpuan, nakaupo lang pala sa sanga ng balete.’’

“Hindi ko matandaan ‘yun, Piolo.’’

“Ako tandang-tanda ko. Siguro absent ka nang mangyari ‘yun.’’

“Baka nga, Piolo.’’

Nagpatuloy sila sa pag­kukuwentuhan habang kumakain. Masayang masaya ang dalawa.

‘‘Pupunta ako sa inyo isang araw Piolo. Gusto ko ma-meet ang mama mo. Siguro matutuwa siya kapag nakita ako. Akalain mo pagkaraan nang maraming taon e nagkita-kita tayo.’’

“Sige Jigo. Sa Linggo, hintayin kita. Dun pa rin   ang bahay namin.’’

“Sige Piolo.’’

LINGGO. Dumating si Jigo.

Tuwang-tuwa ang mama ni Piolo nang makita si Jigo. Walang tigil ang kanilang kumustahan. (Itutuloy)

vuukle comment

KAKAIBANG EBA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with