Lalaki sa Japan, nanlalaslas ng gulong ng kotse para makipagkilala sa mga babae!

NAGMAMANEHO ng kanyang kotse ang isang 43-anyos na babae pauwi na mula sa pamimili sa isang supermarket sa Higashiura, Aichi Prefecture. Habang nasa kalagitnaan ng biyahe, biglang na-flat ang gulong ng kanyang kotse.

Bumaba siya at nakitang dapang-dapa ang gulong. Nang may tumigil na motorista at nag-alok na tutulungan siyang palitan ang gulong. Ang motorista ay si Yoshito Harada, 32. Matapos siyang tulungan, nakipagkilala si Harada sa kanya.

Ligtas na nakauwi ang babae pero hindi niya maiwasang isipin na tila nangyari na ang mga eksenang ito sa kanya isang taon ang nakararaan. Dahil hindi mapakali, nagsumbong siya sa mga pulis.

Sa tulong ng mga pulis, nakita sa CCTV ng supermarket na sadyang nilaslas ni Harada ang gulong ng kanyang kotse.

Inaresto si Harada. Inamin nito na pangalawang beses na niya itong ginawa dahil gusto niyang makipagkilala sa babae.

Matapos mabalita sa buong Japan ang insidente, nag-viral sa Japanese netizens si Harada.

Napag-alaman na hindi pala ito ang unang pagkakataon na nanlaslas siya ng gulong ng natitipuhan niyang babae, kundi mahigit 1,000 beses na!

Nakaiwas sa pagkakakulong si Harada dahil sa pagbabayad ng piyansa at sa kondisyon na babayaran niya ng 30,000 yen ang lahat ng mga kababaihan na nilaslasan niya ng gulong.

Show comments