Lalong lumala!

Sa nakikita ng mga health experts partikular ang OCTA mukhang mas matindi ang nangyayaring pagtaas ng kaso ng COVID kaysa noong nakalipas na 2020.

Nito lamang Sabado halos nasa 8,000 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID.

Naganap ang biglang pagtaas sa bilang ng mga may COVID­, nang unti-unting nagpatupad ng kaluwagan na inakala nga eh magtutuloy-tuloy na para sa pagbabalik ng ekonomiya, pero mukhang iba ang nangyari.

Bagama’t nasimulan na ang pagbabakuna sa mga frontliners partikular ang mga health workers, naiba ang nangyari sa inaasahan dahil sa mabilis ang naging pagsipa ng tinatamaan ng virus.

Ngayon unti-unti na namang, nagsususpinde ng ilang mga patakaran at ibinabalik ang mga dati nang ipinatupad.

Mananatili sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila hanggang Abril 4, habang ibinalik din sa GCQ ang karatig mga lalawigan na Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Nagdagdag na rin ng ipapatupad na restrictions.

Matindi ang nagiging pagtaas sa kaso kaya kailangang malimitahan ang paglabas ng mga tao upang maampat ang hawaan.

Talagang dapat ding madaliin marahil ang pagpapa-follow sa mga inorder na bakuna para masimulan na rin ang pagtuturok sa mga mamamayan para mapigilan o mapabagal ang pagkalat ng virus.

Huwag naman sanang mangyari na bumalik na naman tayo sa simula, kung saan titigil na namang ang mundo dahil sa lockdown na nagdulot ng matinding kahirapan sa marami.

Anut-anuman, pakikipagtulungan ng mga mamamayan ay kailangan para malabanan ang pagkalat pa ng kaso ng COVID. Ito ang inaasahan sa bawat  isa sa atin.

Hanggang ngayon kasi marami pa rin ang nagwawalang bahala sa health protocols, ayaw umayos, matitigas ang ulo  at walang mga pakiaalam sa kapwa.   Dapat na talagang gamitan ang mga ito ng kamay na bakal , dapat nang masampolan para madala at huwag nang pamarisan.

Show comments