_pang-masa
^

Punto Mo

The power of touch

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

BUKOD sa kalusugan at kabuhayan, may isa pang mahala-gang aspeto ng buhay ang matinding winawasak ng COVID-19, ang malapit na ugnayan ng mga tao sa isa’t isa. Dahil sa regulasyon sa social distancing, bawal ang physical contact na tulad ng kamayan, yakapan, halikan, at maging pagmamano. Ang nagaganap ngayon sa lipunan ay hindi lamang social distancing, kundi emotional distancing.

Kamakailan, umani ng pagtuligsa mula sa mga mambabatas ang panawagan ng PNP sa publiko na iwasan ang public displays of affection (PDA) na tulad ng paghahawak-kamay, paghahalikan o pagyayakapan, kahit ng mag-asawa, upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Sa bahay ay magkatabi sa pagtulog ang mag-asawa, ngunit sa kalye ay ni hindi sila dapat naghahawak-kamay. Hindi talaga maabot ng aking pag-iisip ang lohika nito. Katulad noong ipinagbawal ang pag-angkas ng asawa sa motorsiklong minamaneho ng asawa. Mabuti na lamang at binawi na ang pagbabawal nito. 

Ang pinakamainit na pagtuligsa sa ginawang pahayag ng PNP tungkol sa PDA ay nagmula kay Senator Ralph Recto na nagsabing ang “PNP ay nagdidiklara ng giyera laban sa pag-ibig at hindi laban sa COVID-19.” Ang kontrobersya sa panawagan ng PNP kontra PDA ay umakay sa akin na magbulay-bulay tungkol sa “The Power of Touch,” ang kapangyarihan ng paghipo na tulad ng paghalik, pagyakap, pakikipagkamay, paghaplos sa buhok, at pagtapik sa balikat. 

Sa limang senses (touch, taste, smell, hearing, sight) ang unang nadedebelop sa bawat sanggol ay ang sense of touch.  Kaya’t sa lahat ng senses, ito ang pangunahin kung kaya’t hindi ito pwedeng mawala. Madaling ma-imagine na ikaw ay bulag o bingi. Pero na-imagine mo na ba na wala kang pandama? Paano kaya ‘yon? Sa maraming pag-aaral, napatunayan na ang isang sanggol na kulang sa touch ay hindi maaaring lumaki nang normal. Apektado ng kakulangan ng touch maging ang immune system ng tao na siyang panlaban niya sa mga sakit.

Ayon sa siyensya, dahil sa touch, lumalabas ang oxytocin, ang tinaguriang “love hormone” na tumutulong upang makadama ang tao ng pagtitiwala at pagkakaugnay sa kanyang kapwa at ito rin ang nagpapababa sa cortisol, ang hormone na lumilikha ng stress.

Alam na alam ito ni Hesus, sapagkat Siya’y Diyos, kung kaya’t sa tuwing siya’y magpapagaling, hinihipo muna Niya ang taong nais Niyang pagalingin. Ito ang dahilan kung bakit sa sandaling salatin ng paborito mong doktor ang iyong pulso, sa pakiramdam mo’y magaling ka na. Kaya’t mahalaga sa gamutan ang Tender Loving Care o TLC.

Sa ating mga Pilipino, ang touch ay kapahayagan din ng paggalang sa mga magulang at nakatatanda sa pamamagitan ng tradisyon ng pagmamano. Ngunit ngayon, dahil sa takot sa COVID-19, bibihira na ang gumagawa nito. Ako’y nangangamba na kapag tumagal pa nang tumagal ang pandemya, mawawala na rin ang napakagandang tradisyong ito.

Tunay na ang COVID-19 pandemic ay hindi lamang labanang pangkalusugan at pangkabuhayan, ito’y labanan ding pang-emosyonal, kultural at espiritwal—apektado nito ang kabuoan ng ating pagkatao. Maaari itong mapabilang sa sinasabi ni Pablo sa Efeso 6:12, “Sapagkat ang kalaban nati’y hindi mga tao, kundi mga pinuno, mga maykapangyarihan, at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa sanlibutang ito—ang mga hukbong espiritwal ng kasamaan sa himpapawid.”

Hindi tayo maaaring magtagumpay sa labanang ito kundi natin kakampi ang Diyos!

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with