Kakaibang Eba (3)
‘‘ANONG bahala ka?’’ tanong ni Piolo kay Mariz.
“Bahala ka kung binibiro mo lang ako. Siguro naman makokonsensiya ka kung basta mo na lang ako iiwan. Pero kung hindi mo na ako mahal, wala akong magagawa. Basta sinabi ko na sa’yo, na napamahal ka sa akin dahil sa pagiging palabiro mo.’’
Hindi makasagot si Piolo. Talagang seryoso si Mariz sa kanya. May mga babae pala talagang hulog na hulog ang kalooban sa lalaki gayung biro-biro lang ang lahat. Paano kung sabihin niya kay Mariz isang araw na tapos na ang lahat sa kanila.
“Bakit natahimik ka Piolo? Siguro iniisip mo kung paano makakahiwalayu sa akin ano? Na hindi mo naman talaga ako gusto dahil bola-bola lang ang lahat.’’
“Aba hindi Mariz!’’
“Oww? Kita ko sa mukha mo. Nababasa ko ang iniisip mo. Huwag kang magkakaila.’’
“Hindi Mariz. Nagkakamali ka.’’
“Hmmm, sige kung mali ang nasa isip ko e ‘di maganda. Kung tama naman ang nasa isip ko e ‘di sorry. Wala akong kadala-dala sa pagtitiwala sa lalaki.’’
Napabuntunghininga si Piolo. Malalim. Hindi makatingin nang tuwid kay Mariz.
Maya-maya, nagyaya na si Piolo.
‘‘Halika na, Mariz.’’
‘‘Parang seryosong-seryoso ka na Mr. Funny Man.’’
Ngumiti lang si Piolo.
“Baka nga malapit mo na akong iwan kaya ka ganyan.’’
‘‘Tayo na Mariz.’’
HINDI makatulog si Piolo. Naiisip niya ang mga pakikipaglaro niya sa mga anak ni Eba. Parang napapagod na siya sa pakikipaglaro.
Kung iwasan na kaya niya ang masyadong pakikipaglokohan sa mga babae at magseryoso na sa buhay.
Hindi na muna siya magbibiro o magiging boladas.
Pero magawa kaya niya iyon. Parang bahagi na ng buhay niya ang pakikipagbiruan o mapagbiro sa mga anak ni Eba. (Itutuloy)
- Latest