^

Punto Mo

Bakuna: Gawang China o Amerika?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

INAASAHANG darating ngayong araw na ito ang unang batch ng mga  bakuna laban sa COVID-19 mula sa China pero tiyempo namang, habang inihahayag ito ng pamahalaan, lumabas naman ang resulta ng isang survey ng Tugon ng Masa ng Octa Research na nagsasabing  isa lang sa 10 Pilipino o 13 porsiyento lamang ng mga respondent  ang nagtitiwala at gustong magpaturok  sa bakuna ng China.  Apat naman sa bawat 10 o 41 porsiyento ang nagtitiwala sa bakuna na magmumula sa United States. Nasa 1,200 ang respondent sa survey na isinagawa noong Enero 26- Pebrero 1.

Isinaad din dito na 25% ng mga respondent ang nagtitiwala sa bakuna ng United Kingdom samantalang 20 porsiyento ang nagtitiwala sa bakuna mula sa Russia at 17 porsiyento ang mas napipisil ang bakuna ng India. Lumitaw rin sa survey na 19% lang ang gustong magpabakuna habang halos kalahati ng mga respondent ang tutol magpaturok nito kahit pa ligtas at epektibo ito.

Hindi malinaw kung bakit  ayaw ng 13 porsiyento ng mga respondent sa bakuna ng China kung paniniwalaan ang naturang survey.  Matatandaan ang naging pahayag noon ng tagapagsalita ng gobyerno na hindi dapat maging “choosy” sa bakuna pero binira siya ng mga netizens at ibang mga personalidad at sector dahil karapatan ng Pilipino na pumili dahil nakataya rito ang kanilang kalusugan at buhay.

Inaasahan namang magdadatingan kinalaunan ang mga bakuna mula sa mga kanlurang bansa na lubha nga lang natatagalan.

 

Pero bakit marami ang ayaw sa bakuna ng China? Dahil ba dito rin nagmula ang COVID-19?  O duda silang  mas mahina ito kumpara sa bakuna ng U.S., Germany at UK? O baka naman dahil sa matagal at mahaba  nang impluwensiya ng kulturang kanluran  sa  buhay ng mga mamamayang Pilipino? Sana hindi isyu rito ang diskriminasyon.  Baka kailangan pa ng isang survey para mabatid ang kadahilanan ng mga ayaw sa bakuna ng mga Intsik.

Gayunman, bagaman hindi sapilitan ang pagpapabakuna, kailangan din marahil kumbinsihin ng mga kinauukulan ang mga tao na tanggapin ang bakuna ng China lalo pa at hindi pa dumarating sa bansa ang ibang mga brand. Bukod pa ito sa pagkumbinsi sa mas maraming mamamayan na magpabakuna kahit na ano pang tatak nito at pawiin ang mga pangamba at takot dito. Gayunman, habang isinusulat ito, itinigil muna ng pamahalaan ang iskedyul ng pagpapakalat sa bakuna ng China para mapag-aralan pa ito ng mga eksperto.

Batay nga sa sinasabi ng mga eksperto, kailangang maraming mabakunahan para magkaroon ng tinatawag na herd immunity na mas malaking bilang ng mga tao ang hindi na kayang mahawahan ng sakit na COVID. Lalo pa ngayong may kumakalat na ibang klase ng virus na nagpatindi sa pangangailangan ng bakuna. Pero sinasabi namang, kahit meron nang herd immunity, magpapatuloy pa rin ang mga kailangang pag-iingat tulad ng social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield at paghuhugas ng mga kamay hangga’t hindi ganap na nasusupil ang pagkalat ng virus.

-oooooo-

 Email: [email protected]

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with