^
EDITORYAL - Illegal COVID-19 clinic para sa POGO workers

EDITORYAL - Illegal COVID-19 clinic para sa POGO workers

(Pang-masa) - January 19, 2021 - 12:00am

HABANG ang gobyerno ay naghihigpit sa pagpa­patupad ng health protocol para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, patuloy naman ang ope­rasyon ng mga illegal COVID clinic na nagseserbisyo sa mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs). Bakit hindi malansag-lansag ang mga illegal clinic na ito na maaaring pagmulan ng sakit? Paano nakasisiguro na maayos ang pag-dispose ng kanilang mga ginamit na pang-test sa may COVID na pasyente. Saan nila itinatapon ang mga ginamit na face mask at gloves, ganundin ang mga heringgilya na pinanturok sa pasyente?

Sa loob ng siyam na buwan na naging mahigpit ang pamahalaan sa mga lumalabag sa hindi pagsusuot ng face mask at face shield at ganundin sa hindi sumusunod sa social distancing, itong mga nag-o-ope­rate ng COVID clinic ay malayang nagagawa­ ang kanilang gusto. Kumikita nang limpak dahil nagse­serbisyo sa mga Chinese POGO workers. Bakit hindi malansag ang mga ito? Bakit hindi ang mga ito ang hatawin ng yantok na una nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na gagamitin nila sa mga hindi susunod sa health protocol.

Noong nakaraang linggo, isang illegal COVID clinic sa Pasay City ang sinalakay ng mga pulis. Ayon sa report, madalas umano ang pagdating ng mga van sa clinic na ang mga sakay ay Chinese. Umaga at hapon ay dumarating ang van na may mga Chinese na pina­niniwalaang nagtatrabaho sa POGO. Mga 10 hanggang 20 Chinese umano ang kliyente. Dahil sa rami ng kliyente, nauubusan na umano ng gamot ang clinic. Kumikita umano ang clinic ng libu-libong piso sa mga ginagamot na pasyente. Nakarekober ang mga awto­ridad ng P1.5 milyon na halaga ng Chinese medicines.

Hindi tumitigil ang mga illegal COVID clinic. Mula pa Abril ng nakaraang taon, marami nang sina­lakay na underground Chinese clinic sa Makati at Parañaque. Ang mga clinic ay may hospital beds, may mga gamit na pang-test sa COVID-19 at maraming gamot na ang label ay nakasulat sa Chinese.

Ang pinakamalaking clinic na sinalakay ng mga pulis noong nakaraang taon ay nasa loob ng isang park sa Clark, Pampanga. May pitong kama ang pasi­lidad at kumpleto sa gamit para sa pagsusuri at pag-test sa mga may COVID-19. Pawang Chinese rin  ang ginagamot.

Lansagin ang mga illegal clinic. Nasa peligro ang lahat kapag nagpatuloy ang mga ito. Kakalat pa ang virus dahil sa mga underground clinic na ito.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with