Tatlong aral ng buhay
MAY dalawang klase ng silya sa waiting area ng klinika ng doctor: isang malambot na yari sa foam at isang matigas na yari sa kahoy.
Tuwing may mga pasyente sa waiting area, ‘yung malambot siyempre ang pinipiling upuan. Nauupuan lang ang matigas na silya dahil wala nang pagpipilian. Minsa’y naihinga ng matigas na silya ang kanyang himutok.
“Nakakainis ang mga tao, ikaw lagi ang pinipiling upuan. Ano bang sikreto mo?”
“Marunong kasi akong magbigay. Puwede akong mag-adjust sa gustong puwesto ng tao para maka-relax siyang mabuti habang nakaupo sa akin.”
Minsan ay kumain si Mahatma Gandhi sa isang mumurahing restaurant sa South Africa. Pagkatapos magbayad ay nagpasalamat si Gandhi sa waiter dahil sa maganda nitong serbisyo.
“Sir,” sabi ng waiter na tipong nasorpresa sa pagpapasalamat ni Gandhi, “Hindi po kita makakalimutan. Sa 25 taon kong paninilbihan dito bilang waiter, ikaw lang ang kauna-unahang kostumer na nakaalalang magpasalamat sa akin.”
Sabi ng isang cancer patient sa pari: “Malala na ang aking sakit Father. Imposible na akong gumaling.”
Palibhasa’y sobra na ang kapayatan, nahulog mula sa daliri ng cancer patient ang kanyang wedding ring. Hinanap niya sa paligid ang singsing pero ‘di niya makita.
Maya-maya’y napansin niya ang isang horseshoe magnet na nakapatong sa mesa ng pari. Hiniram niya ang magnet at ito ang ipinanghanap niya sa singsing. Pagkatapos ng ilang minuto’y nakita ang nahulog na singsing sa tulong ng magnet.
Ang pari naman ang nagsalita: “Kung diyan sa magnet ay nagtiwala kang makakatulong ‘yan sa iyo, bakit ang kapangyarihan ng Diyos ay pinagdududahan mo?”
- Latest