_pang-masa
^

Swap: Palit-cell phone

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - December 13, 2020 - 12:00am

SA ilang maliliit na mga tindahan ng smartphone/cell phone lalo na iyong mga nagbebenta ng segunda manong gadget, naging karaniwan at bahagi na ng kanilang negosyo ang tinatawag na ‘‘swapping’’. Sa swapping na ito, puwedeng papalitan ng kustomer ang kanyang gadget ng ibang cell phone na itinitinda sa naturang mga  tindahan. Siyempre pa, segunda manong klase ang ipapalit. Depende sa klase o modelo o presyo, maaaring wala nang bayaran o may babayarang maliit na halaga para sa ipapalit na cell phone. Maaaring may warranty pero mas malamang tatagal lang ito ng isang linggo.

At karaniwan, hindi na maganda ang kalidad ng ipinalit na cell phone na malalaman lang sa katagalan ng paggamit nito o pagkaraan ng ilang linggo o buwan. Hindi naman lahat ng ipinapalit na cell phone sa swapping na ito ay sirain. Meron namang mga tumatagal at matagal mapapakinabangan. Malas nga lang   ng isang taong nakipag-swapped kung nakakuha siya ng cell phone na dispalinghado o sirain.

May mga pagkakataon sa mga tindahang nagkukumpuni ng mga sirang cell phone, swapping ang iniaalok na solusyon ng technician kapag lubha nang sira at malabo nang magawa ang nasirang cell phone. Nasa kustomer na ang desisyon kung tatanggapin niya ito o hindi. Isang kakilala ang nagkaroon ng ganitong karanasan nang ilapit niya sa isang maliit na tindahan ng cell phone na nagkukumpuni ng mga gadget ang nasira niyang smartphone na ayaw bumukas.

Sinabi ng technician na mapapamahal siya sa pagpapakumpuni (P500 raw) kaya inalok siya na makipag-swap. Kaso, dahil original at brand new ang smartphone ng kakilala ko, hindi siya pumayag. Gusto na sana niyang kunin na lang ang kanyang telepono at lumapit sa iba pero tinanong siya ng technician kung magkano ang kaya niya para sa pagpapakumpuni. Sinabi niyang P200 kahit kaya niyang magbayad ng P500. Pumayag si technician.

Hindi naman niya binuksan ang unit. Meron lang siyang ini-spray sa pihitan ng telepono hanggang sa gumana at umandar ito at magawa. Lugi pala siya kung pumayag siyang makipag-‘swap’ dahil magagawa naman pala ang kanyang smartphone na kung sakaling pumayag siya ay posibleng ibenta ito sa iba ng technician sa  mas malaking halaga habang ang ipinalit sa kanyang gadget ay mumurahing segunda mano. Mabuti sana kung walang lilitaw na sira ang ipinalit na telepono at matagal niya itong mapapakinabangan. Paano kung hindi?

Wala naman yatang nagsasabing masama ang modus operandi ng mga swapping na ito. Wala ring batas na nagbabawal dito. Siguro, kailangan na lang ang kaukulang pag-iingat ng sino mang nais ipa-swap ang kanyang cell phone o maging handa sa maaaring kalabasan o kumplikasyon dito.  Nauso marahil ang swapping na ito dahil may mga tao rin naman na gustong palitan ang kanilang cell phone sa iba’t ibang kadahilanan o pangangailangan. Pero naging magandang negosyo ito sa ilang mga tindahan ng cell phone. 

-oooooo-

Email: rbernardo2001@hotmail.com

CELLPHONE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with