Wala nang sisihan!

Hindi raw ‘nabulaga’ ang pamahalaan sa mga pangyayari sa paghambalos ng bagyong Ulysses.

Kasi nga, marami talaga ang hindi inakala na ganito karami ang dalang ulan ni ‘Ulysses’ na halos kagaya ng nangyari noong manalasa ang bagyong Ondoy. 

Kung nakalusot ang Metro Manila sa super typhoon na si Rolly, kasama ngayon ito sa natumbok ni ‘Ulysses’  kung saan maraming lugar ang nalubog sa baha.

Ayon nga sa Office of Civil Defense (OCD), hindi nagkulang ang pamahalaan sa paalala  at babala, maging ang mga LGUs, may ilan nga lang na matitigas ang ulo at tumatanggi sa paglilikas na isinagawa bago pa man manalanta ang bagyo.

Sa mga kuha ng video at sa mga larawang ibinahagi ng mga netizen, talagang mistulang bumalik sa alaala ang pangyayari sa ‘Ondoy’.

Ang mga na-trap nating mga kababayan ang talaga namang nakakahabag ang naging kalagayan. Karamihan ay  sa ibabaw na ng bubong ng kanilang bahay napasaklolo.

Ang kaibahan lang  si ‘Ondoy’ umaga at maliwanag nang magdala ng malakas na pag-ulan,  si Ulysses madaling araw na may kasama pang malakas na pagbayo ng hangin kaya talagang medyo nagkaroon ng kahirapan sa mga rescue.

Sa pangyayaring ito,  hindi naman lingid sa atin na bago pa tumama ang bagyo, marami nang paalala ang ginawa ng gobyerno at ang mga opisyal sa lokal na pamahalaan, pero ‘yun nga lang may ilan na nagbalewala at ang sinusunod eh ang kanilang pakiramdam.

Anu’t anuman, ipagpasalamat na lang na dahil sa mga paunang babala, marami pa rin ang naiwasang maipit sa ganung kalagayan.

Sa panahong ito, hindi na kailangan pa ang magsisihan, kundi ang kailangan eh tulungan para makaahon sa  matinding dagok ng kalamidad.

Nagkasunud-sunod ang bagyo, hindi pa nga nakakagulapay angmarami nating kababayan sa mga nagdaang kalamidad agad pa itong nasusundan.

Pero dyan naman kilala ang Pinoy kahit ano dumating, patuloy na bumabangon at nagpapatuloy.

Pero siyempre ang tulong at pag-aksyon naman ng pamahalaan ang kailangan sa ngayon ng ating mga kababayan, wag sana silang makalimutan.

Show comments