EDITORYAL - Kongreso, madaliin ang Dept. of OFWs

MARAMING beses nang nakiusap si President Duterte sa mga miyembro ng House of Representatives na madaliin ang pagpapasa ng batas para sa overseas Filipino workers (OFWs). Noon pang Disyembre 2019 siya nakiusap sa mga kongresista pero wala ni isa man ang kumikilos. Noong SONA niya noong Hulyo, muli niyang inulit ang pakiusap pero wala ring nangyayaring paggalaw sa mga kongresista para sa creation ng Department of OFWs.

Sa halip, kung anu-anong panukala ang naiisip ng mga kongresista gaya ng batas na magpapalit sa NAIA at mayroon pang nagnanais palitan ang panga­lan ng bansa. Walang kumikilos para sa pagtatatag ng tanggapan ng OFWs sa kabila nang pakiusap ng Presidente. Ang pagtatatag ng Department of OFWs ay isa sa mga ipinangako ni Duterte noong 2016 Presidential campaign.

Noong Martes, sa kanyang taped message para sa mamamayan, muli na namang inulit ng Presidente ang kahilingan sa Kongreso na magpasa ng batas para sa OFWs. Kung mayroon aniyang batas para sa OFWs, lubos na  matututukan ang kalagayan ng migrant workers at kanilang mga pamilya. Lalo na aniya sa panahon ng krisis. Ayon sa Presidente, kung may sariling tanggapan ang OFWs, mayroong tiyak na matatakbuhan ang mga OFW at pamilya. Balak din ng Presidente na gumawa ng hiwalay na ahensiya para naman sa mga seafarers.

Kawawa ang kalagayan ng mga OFWs at dapat   itong malaman ng mga mambabatas. Marami sa mga OFWs ang dumaranas ng pagkaapi, pang-aabuso at malagim na kamatayan sa kamay ng kanilang mga amo.

Halimbawa sa mga ito ay ang nangyari sa domestic helper na si Joanna Demafelis noong 2018. Natagpuan ang bangkay ni Demafelis sa loob ng freezer sa isang abandonadong bahay sa Kuwait. Pinatay siya ng kanyang mga among Lebanese. Makaraang patayin, inilagay ang katawan nito sa freezer. Noong 2019, dalawang domestic helpers pa ang pinatay sa Kuwait –sina Constancia Dayag at Jeanelyn Villavende. Karumal-dumal din ang ginawa sa dalawa na namatay dahil sa pambubugbog ng kanilang mga among babae.

Kung may Department of OFWs, mayroon nang pupuntahan ang mga kababayang inabuso, minaltrato, at kung may krisis at pandemia gaya nang nararanasan ngayon. Dahil may susuporta sa kanilang tanggapan, mapapanatag ang kanilang kalooban.

 

Show comments