Sigalot sa Kamara, natuldukan na nga ba?

Sana ay tuluyan na ngang natapos ang sigalot sa Kamara at maharap na ng mga mambabatas ang pag-apruba sa national budget.

Anong petsa na kasi mga cong, kung hindi kayo kikilos pihadong maraming mga programa para sa bayan ang mabibitin.

Sana ay tuluyan nang mag-move ang magkabilang panig at ang isipin eh ang para sa bayan at hindi sariling kapakinabangan.

Sana ay tuluyan na ngang natuldukan ang bangayan na yan sa Kamara  dahil kahapon eh pormal nang umupo bilang Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco habang si dating Speaker Alan Peter Cayetano naman ay tuluyan nang nagbitiw sa pwesto.

Marahil wala nang magiging sagabal para hindi maipasa ang 2021 budget.

Iwan na natin yan, malalaki na sila, kung ano man ang kanilang maging aksyon ang taumbayan naman ang magpapasya sa magiging kalagayan nila sa pulitika pagdating ng panahon.

Eto ngayon, mukhang tuluy-tuloy na nga ang pagbubukas at pagpapasigla sa ekonomiya makaraang payagan nang makalabas ng bahay ang ibang ‘age group’ na matagal na rin namang ‘nakulong’ sa kanilang mga bahay.

Pinaplantsa na lamang  kung mula at hanggang anong edad ang papayagan nang makalabas, ayon sa Palasyo.

Inirekomenda na rin ang pagpapaiksi pa lalo sa oras nang ipinatutupad na curfew at ang unti-unting pagpapalawig sa negosyo mula sa 75 percent sa 100 percent.

Ito ang mas lalong inaantabayan na ating mga kababayan dahil hindi lamang ito may kinalaman sa kanilang kabuhayan sa araw-araw kundi ang ninanais nilang makabalik na sa normal.

Ito sana ang mas matutukan at ‘wag nang makadagdag sa isipin ang bangayan dahil lamang sa nais na kapangyarihan.

Huwag naman sana silang pasaway!

 

 

Show comments