Ok lang bang hindi pansinin ang natanggap na ‘subpoena’?

Dear Attorney,

Nakatanggap po ako ng subpoena mula sa Office of the City Prosecutor. Nakasaad po sa subpoena ang kaso ay para sa estafa at kailangan ko raw pumunta at sagutin ang mga paratang sa akin sa pamamagitan ng pagpa-file ng counter-affidavit. Wala pa po akong makuhang abogado at hindi ko rin naman po maaasikaso ito dahil sa trabaho ko. Makaaapekto po ba sa kaso kung hindi ko muna pansinin ang natanggap kong subpoena hanggang hindi pa ako nakakakuha ng abogado? Sa tingin ko rin naman po ay harassment lang din naman ang isinampang kaso laban sa akin. — Mark

Dear Mark,

May basehan man o wala ang kasong isinampa sa iyo, kailangan mo pa ring sumunod sa mga nakasaad sa subpoena na ipinadala sa iyo lalo na’t nakatanggap ka naman ng notice ukol dito. Kung sakali kasing hindi ka makapagsumite ng counter-affidavit mo ay maaring magdesisyon ang piskal base lamang sa complaint na isinampa ng nagrereklamo at sa mga dokumento o testimonya na ipineresenta niya.

Kung sakaling makakita ng sapat na dahilan ang piskal na litisin ang reklamong kriminal sa iyo ay maari na niyang isampa ito sa korte at maiisyuhan ka na ng warrant of arrest.

Ang payo ko sa iyo ay sumipot ka sa petsang nakatakda sa subpoena kahit wala ka pang abogado. Sabihin mo na naghahanap ka pa lang ng serbisyo ng abogado at sana ay mabigyan ka ng palugit para sa deadline ng pagsusumite ng counter-affidavit mo.

Sa pamamagitan nito ay naipakita mo sa piskal na handa ka namang harapin ang reklamo sa iyo ngunit wala ka lang talagang abogado sa ngayon. Mas madalas kaysa hindi ay pinagbibigyan naman ng fiscal ang mga ganyang hiling lalo na’t may rasonableng dahilan katulad ng kawalan ng abogado.

Show comments