EDITORYAL - Ayaw sa lifestyle check

NAKAPAG-IISIP nang malalim kung bakit tutol si Ombudsman Samuel Martires sa pag-lifestyle check sa public officials bilang paraan para malaman kung may pananagutan sa kasong graft at plunder. Hindi na raw kailangan ang lifestyle check, ayon kay Martires, at binanggit niya ang para sa kanya’y maling probisyon sa Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) na nagsasabing ang lahat ng tao ay dapat mamuhay nang naaayon sa kanyang posisyon at tinatanggap na sahod. 

Mula nang italaga si Martires ni President Duterte noong Hulyo 2018, itinigil na niya ang pag-lifestyle check sa mga taong gobyerno. Hindi na raw ito kailangan. Ano raw ba ang pakialam sa buhay nang may buhay. Sino raw ba tayo para manghusga. Hindi naman daw lahat ng taong gobyerno na nakakaangat sa buhay ay ibig sabihin ay corrupt na. Ano ba ang pakialam kung hindi naman ito magnanakaw.

Pati ang isyu sa pag-access ng publiko sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ng ranking government officials ay tutol din si Martires, Ginagamit daw na sandata ang SALN para ibagsak ang ilang pulitiko. Ginagamit daw ang SALN para siraan ang isang kawani o opisyal ng pamahalaan. Hindi na raw kailangan ang SALN para i-prove ang isang iniimbestigahan sa kasong pandarambong.

Nakapagtataka talaga ang posisyon ng Ombudsman sa lifestyle check. Habang ang maraming public officials ay gustong magpa-lifestyle check para hindi sila maakusahang sangkot sa korapsiyon, tutol naman dito ang mismong Ombudsman. Gaya ng mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa korapsiyon, gusto nila ay i-lifestyle check sila para patunayan na inosente sila sa ibinibintang sa kanila. Ngayong hindi na ito pinapayagan ng Ombudsman, mas lalong malaki ang tsansa na hindi na mahabol ang mga naglustay. Tiyak din matutuwa ang mga corrupt sa Customs, BIR at iba pang tanggapan dahil hindi na sila idadaan sa lifestyle check. 

Kung tutol si Martires sa lifestyle check at ganundin sa isyu ng SALN, bakit bumoto siya noong 2018 para mapatalsik si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil sa hindi kumpletong SALN nito.

Malaking palaisipan ngayon ang lifestyle check na mahigpit na tinututulan ng Ombudsman. Kung bakit, siya na lang ang nakakaalam.

 

Show comments