^

Punto Mo

Huwag piliting maging Boracay ang Manila Bay

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SINO ba naman ang hindi magkakagusto na maging isang bagong Boracay ang Manila Bay na sa mahabang panahon ay nakilala dahil sa burak at basura?  Kapag talagang naging malinis at ligtas na languyan ang Manila Bay, may dahilan para magbunyi hindi lamang ang mga taga Maynila, kundi ang lahat ng mga naninirahan sa Metro Manila.

Utang natin sa Korte Suprema ang pagsisikap ng kasalukuyang administrasyon na linisin ang makasaysayang Manila Bay. Noong 2008, bilang desisyon sa isinampang “writ of kalikasan” ng isang grupo, inatasan ng Korte ang 13 ahensiya ng gobyerno na linisin at buhayin ang Manila Bay. Ang “writ of kalikasan” ay nagbibigay-proteksyon sa karapatan ng mamamayan sa isang malinis at ligtas na kapaligiran. Noong Enero ng nakaraang taon, inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources ang P47 bilyong Manila Bay Rehabilitation Project.

Bahagi ng proyekto ang pagpapaganda sa 500-metrong baywalk ng Manila Bay na gagastusan ng P397.9 milyon. Naging kontrobersyal ang bahaging ito ng proyekto dahil sa diumano’y panganib na idudulot sa kalusugan ng artipisyal na white sand na ilalatag sa kahabaan ng baywalk.  Ang sinasabing white sand ay mula sa dinurog na dolomite mula sa Cebu. Ayon sa mga eksperto, ang dolomite ay nagtataglay ng crystalline silica na pinagmumulan ng cancer at nagdudulot ng panganib sa balat at mata.

Ang pangunahing problema ng Manila Bay ay ang pollution ng tubig nito na nagmumula sa mga establisimyento sa Metro Manila, sa mga informal settlers sa paligid nito, sa maluwag na pagpapatupad ng batas laban sa iligal na pangingisda, at sa hindi maayos na pangangasiwa. Ang mga ito ang dapat na bigyang-pansin at paglaanan ng malaking pondo.

Bawat sentimo mula sa kaban ng bayan ay mahalaga para sa ating survival ngayon bilang isang bansa. Importante na bawat hakbang ng gobyerno ay pinag-iisipang mabuti. Laging mas mahalaga ang kalusugan kaysa artipisyal na kagandahan. Ano ba ang halaga ng magandang white sand kung ito naman ay nakapipinsala sa kalusugan? Laging mas maganda ang natural kaysa artipisyal. Bakit natin pipiliting maging white sand ang baywalk ng Manila Bay gayong sa totoo ay hindi naman?

Huwag na nating piliting maging isang bagong Boracay ang Manila Bay. Ang maningning na kasaysayan ng Manila Bay ay higit pa sa kaningningan ng white sand ng Boracay. Sapat nang ito’y maging kasinglinis at kasingligtas ng Boracay para paglanguyan ng mga tao. May mga aligasyon din ng overpricing. Pero kahit wala, ang P397.9 milyon ay marami nang mabibiling gadgets para sa mahihirap na estudyanteng makikipagbuno sa online learning ng DepEd.

Sa ilalim ng “New Normal,” ang pinakamataas na pamantayan ay kung ano ang totoo, natural, at puro. Karaniwan, ang totoo, natural, at puro ay napapatunayan sa liwanag ng araw. Ang mga hakbang ng goyerno ay mapapatunayang totoo, natural at puro sa liwanag ng opinyong publiko. Dahil dito, napakahalaga para sa mga opisyales ng gobyerno ang laging pagiging hayag sa pagkilos at laging pakikinig sa opinyong publiko. Itapon na ang pagiging balat-sibuyas, sa halip, talasan ang pandinig upang marinig ang sinasabi ng mga tao.

May magandang tagubilin ang Filipos 4:8 sa ating mga opisyales, “Lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig at kagalang-galang.”            

vuukle comment

BORACAY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with