Hulog sa BITAG ang bastos, balahurang lending collector!

HINDI sa angas kundi sa pang-aasar ko kung kaya nahulog sa BITAG ang isang bastos at balahurang lending collection ng Peso Pop.

Nakaabot sa amin ang sumbong ng isang COVID-19 positive patient na kahit siya’y habang nasa quarantine facility, walang pakundangan ang paniningil ng collector sa kanya.

Pinadalhan kami ng nagrereklamo ng kanyang recorded phone conversation sa collector ng Peso Pop online lending na nagngangalang alias “Jade Tangonan.”

Galit na galit ang kolokay. Wala raw siyang pakialam ke mamatay pa ang nagrereklamo dahil mas importanteng makabayad ito sa utang na P8,500

Nagbanta at nanakot pa ito na ipopost ang mukha ng biktima sa social media at iisa isahing imensahe ang kanyang kamag-anak at kaibigan upang masingil ang kanyang utang.

Sinubukan ko ang kabastusan nitong kolektor na Jade, ako mismo ang nagpanggap na kapatid ng nagrereklamo. Ako mismo, si Bitag, nakatikim ng panlalait, pagmumura, paninigaw at pagbabanta ng hinayupak na kolektor.

Dahil dito, matindi ang ebidensiyang ipapasa ng BITAG at ng nagrereklamo sa National Privacy Commission sa tanggapan mismo ni Chairman Raymund Liboro. Sa pamamagitan ng kanyang tanggapan ay ipatatawag ang kumpanyang Peso Pop maging ang bastos na kolektor na ito.

Higit pa riyan, maaaring magsampa ng kasong kriminal ang biktima. Isa itong paglabag sa Anti-Cybercrime Law.

Matapos naming ipalabas ito, nagdagsaan ang mga impormasyong dumating sa BITAG. Ipinadala ang tunay na pangalan at pagmumukha nitong balahurang kolektor na si Jade Tangonan.

Kilalanin, abangan!

Show comments